MAY mga premonition o paramdam na si Jaclyn Jose kay Coco Martin bago pa man ito sumakabilang-buhay nitong nagdaang Sabado, March 2.
Nagbahagi ang Teleserye King tungkol sa mga huling sandali na nakasama niya si Jaclyn sa taping ng kanilang teleserye sa ABS-CBN, ang “FPJ’s Batang Quiapo”.
Si Coco ang unang celebrity na agad nagtungo sa bahay ng yumaong veteran actress kasama ang isa pa nilang co-star sa “Batang Quiapo” na si Cherry Pie Picache nang matanggap ang malungkot na balita.
Ayon sa Kapamilya star, ang kapatid ni Jaclyn na si Veronica Jones ang tunawag sa kanya para ipaalam ang nangyari sa beteranang aktres.
Hanggang ngayon daw ay wasak na wasak ang kanyang puso sa biglang pagkawala ng nanay-nanayan niya sa showbiz.
Kahit daw sa set ng “Batang Quiapo” ay ramdam na ramdam ang kalungkutan at pagluluksa sa pagkamatay ni Jaclyn na gumaganap bilang si Dolores Espinas.
Nagbahagi si Coco ng kanyang mensahe para sa mga nasa burol ni Jaclyn kagabi sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta, Quezon City at dito nga niya naikuwento ang mga pangitain at premonition sa pagkamatay ni Jaclyn.
Baka Bet Mo: Jaclyn Jose itinuring nang tunay na anak si Coco; tinupad ang hiling
Sa ulat ng ABS-CBN, inalala ni Coco ang isang eksenang kinunan nila kamakailan sa “Batang Quiapo” kung saan kinailangan nang magpaalam ni Jaclyn bilang si Dolores sa karakter ni Ivana Alawi.
Aniya, grabe raw ang ipinakitang pag-iyak ni Jaclyn sa naturang eksena na akala mo’y talagang nagpapaalam na sa kanyang tunay na anak.
Kasunod nito, sinabihan ni Coco ang beteranang aktres na kung pwedeng ulitin nila ang scene. Kailangan daw niyang kontrolin ang sobrang pagluha.
Nag-explain naman si Jaclyn kay Coco, “Kasi parang isa-isa nang nawawala yung mga character sa kulungan, eh.”
Nitong mga nakaraang araw ay palagi rin siyang niyayakap ni Jaclyn kasabay ng pagsasabi ng “I love you.”
Samantala, ibinahagi rin ng Kapamilya star ang pagtungo ng ilang cast members ng “Batang Quiapo” para makisaya sa taunang Panagbenga Festival.
“Pagdating ko pa lang ng Baguio, ikinukuwento ko na siya (Jaclyn) kay Cherry Pie. Pie alam mo pinagkukuwentuhan namin ni Mommy Jane si Ma’m Charito Solis, sina FPJ (Fernando Poe, Jr.).
“Tapos yung gabi after ng show sa Baguio, siya pa rin yung pinagkukuwentuhan namin. Yun pala, hindi namin alam may nangyari na pala,” aniya pa.
Pagpapatuloy pa ng aktor, natanggap niya ang balitang pumanaw na si Jaclyn last Sunday, March 3, bandang 6 p.m., “Pumunta kami agad ni Cherry Pie sa bahay niya.
“Seven (ng gabi), nandu’n na kami sa labas. Siyempre nagulat talaga lahat kami. Hindi namin inaasahan na mangyayari ito,” sabi ni Coco.
Nagpasalamat din siya kay Jaclyn sa pagmamahal at pagpapahalaga nito sa kanya, “Utang na loob ko lahat kay Mommy Jane. Siya ang dahilan kung bakit ako nandito sa ABS-CBN.
“Kung bakit lahat nangyari sa buhay ko. Siya ang kasama ko sa kauna-unahang indie movie ko na ‘Masahista’. Siya ang nag-convince sa akin na pumasok sa TV, sa ABS-CBN,” lahad pa ng aktor.
Sa isang bahagi ng kanyang eulogy sa ABS-CBN at “Batang Quiapo” night sa burol ni Jaclyn, bumaha rin ng luha nang maging emosyonal siya, lalo na nang mabanggit niya ang pagiging nanay ng aktres sa mga anak na sina Andi at Gwen.
“Naiinggit ako sa mga anak niya, kasi may magulang na kagaya niya na may ganung pagmamahal sa mga anak,” sey ni Coco.