Pelikula ng 4 na senador-action star pinaplantsa na para sa MMFF 2024

Pelikula ng 4 na senador-action star pinaplantsa na para sa MMFF 2024

Bong Revilla, Lito Lapid, Robin Padilla, Coco Martin at Rez Cortez

“IBA Ang May Pinagsamahan” ang working title ng pelikulang gagawin ng mga senador na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Robin Padilla at Lito Lapid kasama sina Coco Martin, Edu Manzano, Philip Salvador at Cesar Montano.

Base sa kuwento ni Rez Cortez kay Morly Alinio sa kanyang vlog na naka-upload na sa YouTube channel ay nasa planning stage na ang pelikula na mala-“The Expandables.”

“Nasa planning stage pa lang na gagawa ‘yung mga superstars na nasa senado na parang Expandables (pelikula nina Sylvester Stallone, Jason Statham, Curtis Jackson, Dolph Lundgren, Tony Jaa Iko Uwais, Randy Couture, Megan Fox at Andy Garcia).

Baka Bet Mo: Rez Cortez sasailalim sa major surgery dahil sa problema sa liver; Cai Cortez humiling ng dasal

“Lahat ng malalaking artista na kasama sa action ay (magsasama-sama) para gawin ang pelikulang ito.

“Ang head nito si Coco Martin, siya ang creative at ang target nito ay April na puwede nang magsimula ‘yung shooting at baka ipalabas sa (Metro Manila) Film Festival sa darating na December (2024),” sabi ni Rez.


Ang direktor daw ng pelikula ay si Brillante Mendoza, “Actually hindi pa buo ‘yung kuwento, hindi pa buo ‘yung concept pag-uusapan palang nauna ka na (sabi kay Morly).”

Hirit ng host, maganda ang pelikula na sinang-ayunan naman ni Rez, “Oo, saka malaki at hindi na mauulit ang ganitong project.”

Inamin ding walang talent fee ang apat na malalaking artistang bida tulad nina Senators Bong, Lito, Robin at Jinggoy dahil may pinaglalaanan sila.

Baka Bet Mo: Rez Cortez napapayag sumabak sa sex scenes sa edad na 66: Hindi naman nakakapagod kundi nakakadiri na!

“Oo hindi sila magpapabayad at ang magpo-produce ng pelikula ay ang Imus Productions ni Bong Revilla at pag nabawi na niya ‘yung production cost at ang kikitain pa ay ibabalik nila sa movie industry.

“Plano nilang magpatayo ng isang building at doon na lahat mago-opisina ang working guilds kasama ang mga producers, lahat ng stake holders ay iha-house dito sa building na ito para matulungan ang industriya,” paliwanag ng aktor.

Medyo magulo raw ang movie industry kaya pag-iisahin ang opisina. “Kasi nga watak-watak merong dalawa ‘yung directors guild, dalawang actors guild, dalawang cinematographers guild, designers guild at may mga break away groups,” pagtatapat ni Rez.

Tinanong ni Morly kung bakit may ganitong set-up na nagdadalawa, “E, kasi akala nu’ng iba hindi naman nagta-trabaho ‘yung isa kaya nagtayo sila dahil kulang sa pag-aalaga.

“Parang napabayaan ng leaders natin no’ng araw kaya ngayon new leaders para patakbuhin ‘yung mga organisasyon katulad ng Film Academy of the Philippines, pero nandiyan naman ang Film Development Council of the Philippines FDCP na tutulong.

“Para mabuo ulit ang Filipino movie industry at kasama na riyan ang telebisyon at kung anu-ano pa kasi ngayon digital age na, wala nang 35 millimeter film, pero film pa rin ang ginagamit kasi ang ibig sabihin ng film na ‘yun ay any movie images.

“Yung digital wala ng film at nakalagay na lang sa memory card sa extra hard drive at makabaho na lahat (na) pati kamera ay nag-iba na and one these days lahat ng stakeholders, magkakaroon ng summit at lahat ng stakeholders.

“Lahat ng break-away groups, lahat ng guild (ay) magsasama-sama at uupo kami at pag-uusapan kung ano ba ang gusto natin,” mahabang paliwanag ni Rez.

At pagkatapos daw ng mga usapin ay ilalapit nila ito kay Presidente Bongbong Marcos, Jr. na palitan ang dating executive order na ginawa no’ng araw ni Presidente Marcos, Sr. at tiyak na may mga pagbabago para sa ikayayabong ng filipino industry.

Read more...