SINO sa inyo ang nakaramdam na ng inis, galit o gigil sa tuwing may napapanood na kontrabida sa isang pelikula o teleserye?
Naikuwento ng aktres na si Thea Tolentino na may pagkakataon na hindi siya nakakaligtas sa mga nakasalubong niya sa labas at napanggigilan pa raw siya.
May time pa nga raw na nakurot siya ng lola dahil sa pagiging kontrabida niya sa telebisyon.
Si Thea ay kasalukuyang mapapanood bilang si “Rose Lirio” sa hit series na “Makiling” na pinagtatambalan nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio.
“Ang madalas po ‘yung mga lola. Nanggigigil po sila,” pagbubunyag ni Thea sa kanyang panayam sa programang “Fast Talk with Boy Abunda.”
Baka Bet Mo: Thea Tolentino pangarap maging madre noon at manirahan sa kumbento: ‘Idol ko po ‘yung ninang ko!’
Chika pa niya, “Naalala ko noon, parang nasa gas station ako or restaurant tapos may lola na lumapit, ‘ito nakakagigil ka’, tapos kinurot na ako dito (tinuro ‘yung braso niya). Tapos wala na ako nagawa.”
Nang tanungin naman siya ng King of Talk kung gaano kadali o kahirap ang maging kontrabida sa isang show.
Sinabi ng aktres na naging “second nature” na niya ito upang ilabas ang kanyang sama ng loob.
“Parang naging outlet ko ang pagiging kontrabida,” sagot niya.
Paliwanag niya kay Tito Boy, “‘Yung mga emotions na naiipon –kasi aminin na natin may mga times na sa life natin, meron tayong mga emotions na hindi nalalabas.”
“So dahil sa mga eksena at mga roles na nakukuha ko, doon ko nilalabas ‘yung mga emotions without hurting anyone,” aniya pa.
Kasunod niyan ay inusisa ng TV host kung may naging kontrabida na ba sa totoong buhay ni Thea, lalo na pagdating sa kanyang acting career.
Tugon ng aktres, “Wala. Very supportive po ‘yung [family ko].”
“More on sarili ko ‘yung kontrabida kasi talagang nagsimula po ako dito sa show business na hindi naniniwala sa sarili,” patuloy niya.
Saad pa niya, “So ‘nung lumaban po ako sa Protégé season 2 –kasi siyempre pag contestant kailangan competitive ka, and usually ang nangyayari sa contests, you compare yourself to others or nakikipag-compete ka sa ibang tao, ‘nung time na ‘yun, I’m just competing with myself.”
Sa huli, tinanong siya ni Tito Boy kung bakit sa tingin niya ay marami ang tumatangkilik sa kinatatampukan niyang teleserye?
“Para sakin po, I think ‘Makiling’ is relatable,” lahad niya.
Paliwanag niya, “It’s about family and also about bullying. Though maraming scenes about bullying, pero makikita na ‘Makiling’ is against bullying at pinapakita namin sa show namin na ito ‘yung mga hindi dapat ginagawa dahil nakakaapekto talaga ito sa tao hanggang sa paglaki niya, hanggang sa pagtanda niya.”