TALAGANG pinoprotektahan ng mag-asawang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang mental health ng kanilang mga anak.
Knows ng celebrity couple kung gaano katindi ang epekto ng social media at internet sa mga kabataan kaya hangga’t maaari ay nililimitahan din nila ang mga bata sa paggamit ng mga ito.
Bukod dito, naniniwala sina Jennylyn at Dennis na kailangang limited din ang nakikita ng publiko pagdating sa kanilang mga anak para na rin sa seguridad ng mga ito.
Ito ang dahilan kung bakit hindi madalas na nagpo-post sa social media ng mga litrato at video ang mag-asawa ng kanilang mga anak, lalo na ang 1-year-old nilang baby na si Dylan Jayde.
Baka Bet Mo: Jennylyn Mercado balik ehersisyo matapos manganak: Postpartum fitness isn’t easy
Ganu’n din daw sa mga anak nilang sina Alex Jazz at Calix Andreas, sa mga dati nilang nakarelasyon.
“‘Yung mga trabaho namin, kumbaga public, wala nang natitira sa sarili mo so as much as possible ‘yung buhay namin bilang pamilya, talagang gusto namin mas private,” simulang kuwento ni Jen sa GMA Pinoy TV Podcast sa Spotify.
“‘Yung nagagawa namin ‘yung gusto namin nang hindi namin kailangan ipakita sa mga tao, ‘di ba?
“‘Di naman lahat ilalabas mo e, magtitira ka pa rin ng something para sa ‘yo saka sa pamilya mo. I think very important ‘yun lalo na sa mga bata kasi gusto kong mabuhay sila nang normal.
“Ayoko nang makakakita ng mga comments, nakakalungkot ‘yun e kapag may mababasa sila na hindi maganda. So as much as possible, gusto namin na kapag family time, family time,” esplika ng Kapuso Ultimate Star.
Tungkol naman sa pag-aalaga at pagpapalaki sa mga bata, siniguro ng mag-asawa na hindi magkakapareho ang schedule ng kanilang trabaho para may isa sa kanila na maiiwan sa bahay.
Baka Bet Mo: Dennis dedma sa magpaparamdam na ex-dyowa, hindi kayang lokohin si Jennylyn: ‘Sorry ka na lang, kung sino ka man’
“Maganda na pareho na kami ngayon ng talent management dahil ‘yung time management talagang importante, lalo na ayaw naming naiiwan ‘yung mga bata na walang kasama kahit isa sa ‘min.
“So ‘yung schedule namin, hindi kami nagkikita, M-W-F-S siya, ako naman T-TH-S, so okay lang ‘yon basta importante meron isa sa amin na nagbabantay sa kids kung wala man ako o wala man siya,” paliwanag ni Jen.
Dugtong pa ng lead star ng seryeng “Love.Die.Repeat.”, “Siyempre, rewarding ‘yung nakikita namin sila na lumalaking masaya, matalino, mabait, at lumalaki nang normal.
“‘Yung buhay na normal na malayo sa showbiz na hindi mo kailangan ipakita kung ano kayo. Gusto namin na lumaki sila na parang hindi showbiz ‘yung mommy at daddy nila,” sabi pa ni Jennylyn.
Samantala, magkaiba raw sila ng parenting style ng asawa, “Si Dennis ‘yung mas chill, mas cool, ako ‘yung mas bad cop, disciplinarian. Dapat balance, ako talaga kapag sinabi ko, alam na ng mga bata, susunod na sila, ganu’n.”