Jason Abalos ibinandera ang kabutihan ni Boy Abunda

Jason Abalos ibinandera ang kabutihan ni Boy Abunda
IBINANDERA ng actor-politician na si Jason Abalos ang kabutihang ginawa sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda.

Nitong Miyerkules, February 21, nag-guest ang aktor kasama ang Kapuso actress na si Jo Berry sa “Fast Talk with Boy Abunda”.

Sa isang bahagi ng kanilang pag-uusap ay nausisa sina Jason at Jo kung ano ba ang kanilang pangarap noong bata.

Dito ay naikuwento ni Jason na ninais niyang maging engineer bago siya pumasok sa mundo ng showbiz.

Pagkatapos nito ay inalala ng aktor ang ginawang pagtulong sa kanya ni Tito Boy noong maligwak siya sa reality-based talent competition na “Star Circle Quest”.

Dito ay naikuwento ni Jason ang isang pangyayari sa kanyang buhay kung saan nag-abot ng tulong sa kanya ang kilalang host at talent manager.

“Ikukuwento ko lang po. Kailangan malaman ng buong tao kung gaano kabait si Tito Boy. Na-out ako sa isang show, nagbigay siya ng isang tseke sa akin,” pagbabahagi ng aktor.

Baka Bet Mo: Vickie Rushton ipinanganak na ang panganay nila ni Jason Abalos: Our greatest blessing

Pagpapatuloy ni Jason, “Ang sabi niya, ‘Anak, ibigay mo sa nanay mo ‘pag umuwi ka sa inyo para mayro’n kang pasalubong. Ganoon po kabait si Tito Boy.”

Kuwento naman ng TV host, noong mga panahon na raw kasi na ‘yun ay madalas mabanggit ng aktor ang kanyang pamilya.

“Kasi you’re talking about your parents, you’re talking relationship about your parents. Parang ‘yon ‘yong mga bagay na ‘di nakikita sa camera dahil napakahirap mag-judge,” lahad naman ni Boy.

Aniyw, grabe raw ang hirap noon para sa batch nina Jason para lang matupad ang kanilang mga pangarap.

Dagdag pa niya, “Nag-iiyakan ang mga magulang. Naalala ko, batch n’yo may nahimatay. Iba. I mean, para lamang matupad ang iyong mga pangarap.”

Para sa mga hindi aware, isa si Boy sa mga naging judge ng “Star Circle Quest” Season 2 noong 2004 kung saan isa sa mga kalahok si Jason.

Ilan sa kanyang mga ka-batch noon ay sina Erich Gonzales, Aaron Villaflor, at marami pang iba.

Mula noon ay naging maayos naman ang takbo ng career ni Jason na later on ay pinasok na rin ang mundo ng politika.

Noong Oktubre 2021 ay kumandidato siya bilang board member sa District 2 ng Nueva Ecija at sinuwerte naman siyang manalo.

Sa ngayon ay kabilang si Jason sa bagong drama series ng Kapuso network na pinamagatang “Lilet Matias: Attorney-at-Law”.

Read more...