HINDI napigilang maging emosyonal ng isang female searchee mula sa segment ng “It’s Showtime” na”Expecially For You” matapos siyang bigyan ng offer ni Vice Ganda na makapagtapos ng pag-aaral.
Naikuwento kasi ng female searchee na si Nami na pansamantala siyang huminto sa pag-aaral at nagtatrabaho na dahil mag-isa niyang sinusuportahan ang sarili.
Natanong naman ni Vice kung bakit siya tumigil sa pag-aaral at dito niya naikuwento na mayroon problemang pinansyal ang kanilang pamilya kaya nagdesisyon itong kumayod para sa sarili at hindi na dumipende sa mga magulang.
Chika pa ni Nami, “Baka kapag nag-enroll ako sa college, baka hindi ko kayang pagsabayin yung pag-aaral at pagtatrabaho kasi may monthly rent pa po.”
Kwento pa niya kila Vice, nasa probinsya ang kanyang mga magulang.
Nang tanungin kung choice niya ang siya ang mag-isang sumuporta sa sarili at paano kung susuportahan ng magulang niya ang kanyang edukasyon ay papayag ba ito, sinabi ng dalaga na ayaw niya nang makadagdag sa isipin ng mga magulang.
Baka Bet Mo: Aga kinuhang ninong ni Ion Perez sa susunod na kasal nila ni Vice Ganda
“Paano kung pagtatapusin kita ng pag-aaral?” offer ni Vice Ganda kay Nami.
Pagpapatuloy niya, “Kasi di ba we are talking about education kanina pa. Pinu-push natin ‘yung isang kabataan dito na magtapos ng pag-aaral kasi ganoon siya kahalaga.”
Chika pa ni Vice, siya mismo ay hindi nakatapos ng pag-aaral pero alam niyang kung sakaling nakatapos siya ay mas malaking bagay para sa kanya.
“So kung ikaw ay may pribilehiyong makapagtapos ng pag-aaral, kukunin mo ba ang pribilehiyo na ito, Nami? […] So I will send you to school.”
Naiiyak naman si Nami at sinabing talagang pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral kaya lumuwas siya ng Maynila ngunit nagkaroon ng problema sa tinitirhan niyang bahay.
“I admire you being independent pero kahit independent women, they also need your help and support. And I would like to send you mu support,” sey ni Vice sabay lapit kay Nami para yumakap.
Naikuwento naman ni Vice na may isa rin siyang “Tawag Ng Tanghalan” scholar na magtatapos na ngayong taon kaya may isang slot na mababakante kaya mapag-aaral niya si Nami.