Erik Santos sumubok mag-audition sa GMA Network pero…
MULING binalikan ng Kapamilya singer na si Erik Santos ang mga panahong na-reject siya nang sumubok na mag-audition sa GMA-7.
Marami kasi ang nag-aakalang first time niyang makakatapak sa bakuran ng Kapuso network nang mag-guest ito sa “Fast Talk with Boy Abunda” pero ang totoo ay minsan na itong sumubok noon.
Kasama ni Erik sa kanyang guesting ang Asia’s Limitless Star na si Julie Anne San Jose.
Kuwento niya, hindi aware ang madlang pipol na ang isa sa mga nauna niyang auditions noon ay sa isang Kapuso talent search contest.
“Lingid sa kaalaman po ng iba, marami rin po akong mga audition na sinalihan. At isa sa unang auditions ko was here in GMA. Yun po yung hindi alam ng mga tao,” pag-amin ni Erik kay Tito Boy.
Mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas nang sumubok siyang mag-audition sa isang talent search contest sa Kapuso network ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito nakapasa.
View this post on Instagram
Pagbabahagi pa ni Erik, pinakanta, pinasayaw, at pinaaete raw siya noon sa naturang audition.
“Sa first call, tinawagan nila ako, pero nung mga sumunod na, hindi na,” dagdag pa niya.
Ngunit sa pagpupursige ay natupad naman ang matagal nang pangarap ni Erik na maging singer nang tanghalin siya bilang grand champion sa season 1 ng “Search for the Star In A Million” ng ABS-CBN noong 2004.
Mukhang ito talaga ang nakasulat sa kapalaran niya dahil nauna na siyang matanggal pero nakabalik nang magkaroon ng wildcard ang talent search program.
Inamin rin ni Erik na dumating sa punto na nagbago ang ugali niya dahil sa natamasang kasikatan.
“Sa tingin ko po, may moments sa career ko na parang okay lang sa akin na ma-late, ganyan.
“Pero sandali lang po yon sa period ng career ko. Kasi ngayon, talagang nirerespeto ko yung oras ng mga nakakatrabaho ko. So, hangga’t maaari, hindi ako nale-late,” sey ni Erik.
Ibinahagi rin niya na isa sa mga natutunan niya sa 21 years niya sa industriya ay ang ibigay sa audience kung ano ang kanilang gusto.
Ani Erik, “Pakinggan mo rin yung sarili mo, pero mainly, I’m talking of the songs that I wanna sing sa isang concert.
“You give them what they want to hear from you kasi yun ang binayaran nila. Yun ang ipinunta nila. Yun ang gusto nilang marinig from you.”
Abangan ang papalapit na concert na pinamagatang “Love Bound” na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater sa March 2.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.