NAGAWANG magpaalam ni Janno Gibbs sa namayapa niyang amang si Ronaldo Valdez bago pa ito tuluyang malagutan ng hininga.
Naniniwala ang beteranong komedyante na narinig at naramdaman ng kanyang tatay ang kanyang pamamaalam kahit hindi na ito gumagalaw.
Kuwento ng TV host-comedian, nasa tabi siya ni Ronaldo sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Kinausap raw niya ito kasabay ng kanyang pamamaalam.
“I stayed with him and since he was still breathing, I was talking to him. Of course, wala nang response but I got to say goodbye,” kuwento ni Janno sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Pagpapatuloy pa niya, “I was kissing him. I was saying I love you. ‘I hope you’re okay. You will be okay.’ But I wish I got to say it, those things nang conscious pa siya.”
Baka Bet Mo: Ronaldo binigyan ng tribute sa presscon: Nandito lang siya sa pali-paligid
Inamin naman ng beteranong komedyante na unti-unti na niyang natatanggap ang pagyao ng ama ngunit sana raw ay mas naging maayos ang pagpapaalam niya kay Ronaldo.
“Like I said, I was with him everyday, till the end. But, sorry. Ang wish ko lang is that I could have said goodbye, I said goodbye properly, clearly na, ‘Bye, Pa! I love you!'” ang pahayag pa ni Janno.
Nagpapasalamat din ang award-winning comedian na nabigyan siya ng chance na makasama nang mas matagal ang ama matapos maghiwalay ang kanyang parents.
Sa bahay na raw kasi niya tumira ang pumanaw na premyadong aktor kaya halos araw-araw silang magkasama.
At bukod dito, natupad din ang pangarap niya na magkasama uli sila ni Ronaldo sa isang pelikula na siya rin ang nagdirek, ang “Itutumba ka ng Tatay Ko” mula sa Viva Films.
Samantala, may mga nagsa-suggest na huwag daw muna sanang ipalabas ang naturang pelikula sa mga sinehan dahil nga kamamatay lang ng kanyang ama.
Pero depensa ni Janno, “I think this is the perfect time to show it para mabura ‘yung last horrible image of him. And to see him again in his full glory. Yung masaya, guwapo.”
Ang tinutukoy ni Janno ay ang nag-leak na video sa social media kung saan makikita ang duguang katawan ni Ronaldo sa loob ng kanyang kuwarto noong December.
Ito naman ang advice ni Janno sa lahat ng mga anak na tulad niya, “Please spend more time with your parents, love your parents. You’ll never know when they go. I-cherish n’yo na.”