TRENDING sa social media ang surprise performance ng British rock band na Coldplay sa kanilang concert dito sa ating bansa.
Ito ‘yung nakipag-jamming sila sa Pinoy funk-pop band na Lola Amour at kinanta ang hit song na “Raining in Manila.”
Nangyari ‘yan kagabi, January 19, bago matapos ang show sa Philippine Arena sa Bulacan.
Sa Instagram, ibinandera ng local band ang naging memorable experience sa concert.
Ayon sa Lola Amour, hindi sila makapaniwala na nangyari ito.
“SO WE ALSO PERFORMED RAINING IN MANILA WITH CHRIS MARTIN HIMSELF. SURREEEEAAAALL,” caption sa IG kalakip ang video ng kanilang pagtatanghal kasama ang sikat na international vocalist.
Baka Bet Mo: Lola Amour nag-sorry sa inilabas na teaser ng music video ng ‘Raining in Manila’
Maraming netizens naman ang tuwang-tuwa sa mga naging kaganapan sa concert at marami ang nagsasabing “deserve” ito ng banda.
Narito ang ilan sa mga nabasa namin sa comment section:
“Deserve!!! Dati sa Mandala Park ko lang kayo mapapanood ng live ngayon sa concert na ng coldplay [red heart emojis]”
“Grabe ibang level na kayoooo [fire emojis].”
“Waaaahhhh congratulations sa inyoooo! [heart hands emoji]”
“Kita kilig sa face niyo! Galing [clapping hands emoji]”
Ang “Music of the Spheres” world tour ng Coldplay ay isang sustainable effort na kung saan ang bahagi ng kikitain nila sa pagtatanghal ay mapupunta para mapondohan ang reforestation, ocean clean-ups, animal conservation, carbon capture, green technology, at marami pang iba na may kinalaman sa pag-aalaga sa environment.
Magugunita noong 2017 nang huling nagkaroon ng pagtatanghal sa Pilipinas ang international rock band.