Bandera Editorial
Gawing maayos ang kabuktutan at hahangaan ka… Jose Rizal, Mga Huling Matuwid, El Filibusterismo
AT dahil malapit nang maging 100 milyon ang populasyon natin, kabuktutan na ang hayaang magparami na lang ng anak ang bawat mag-asawa, ang mga hindi mag-asawa pero nagsasama bilang mag-asawa; at ang libangan ang magpabuntis na lang kapag dumaloy ang init sa katawan. Kung ang mga iyan ay kabuktutan dahil napipinto nang bumagsak ang gobyerno dahil sa napakaraming tao, di kaya mali na, o di na angkop, o laos na, ang kautusang “…humayo kayo’t magparami?” Kung pagdedebatehan ito ng ilang araw o linggo ay baka madagdagan pa ng 50,000 ang populasyon natin, na tinatayang may isinisilang na 5,000 araw-araw.
Kung aayusin ang kabuktutan ay dapat ngayon na umpisahan para pagsapit ng bukas ay may makikita nang resulta. Babalik pa ba tayo sa pakikinig sa mga pari at maging sunud-sunuran na lang sa kanilang nais? Sobra na nga ang pakikialam nila sa pamahalaan at mangmang, na malinaw na inilahad ni Jose Rizal sa mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo: ngayon ba’y sila pa rin ang makapangyayari at uugit ng kinabukasan ng nagsisiksikang bansa at nagugutom na taumbayan?
Noong Linggo ay pinuna ni dating Pangulong Fidel Ramos ang kawalan ng direksyon sa suliraning populasyon nang magtungo si Pangulong Aquino sa United Nations. Oo nga naman. Bakit umaalis siya nang hindi handa.
Pero, nasa daang matuwid na nga si Aquino nang ihayag niya ang suporta sa mga mag-asawa na nais planuhin ang pag-aanak. At tinukoy mismo ni Aquino na ang paraan lamang ay contraceptives.
Sa pagtukoy ni Aquino sa paggamit ng contraceptives ay hayagan na niyang babanggain ang moog ng simbahang Katolika. Hindi dapat matakot si Aquino kung may pagbabanta man mula sa mga prayle dahil simula noong panahon ng mga Kastila ay sumunod na tayo sa kanila–hanggang sa tayo’y magkaganito.
Paano ang pakanang ginagawa sa iyo ng mga pari sa iyong bayan? Jose Rizal, Mga Kadayaan, El Filibusterismo
Bandera Editorial, 092910
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.