Interview ni Julie Bonifacio
INUULAN pa rin ng blessings ang aktor na si Jake Cuenca. Bukod sa sunud-sunod na mahahalagang role sa mga top-rating teleserye ng ABS-CBN, abala rin siya ngayon sa paggawa ng tatlong pelikula. Kasabay ng pagsu-shoot ni Jake ng pelikula ang pagti-taping para sa bago niyang teleserye kasama sina Jericho Rosales at Anne Curtis – ang Green Rose. Pawang mabibigat ang movie projects na ginagawa ngayon ni Jake. Una na rito ang kauna-unahang pelikula na pagtatambalan nila ni Marian Rivera na “Super Inday” para sa Regal Films, ang first indie film niyang “HIV” at ang “Huling Sayaw” ng Star Cinema kung saan kasama naman niya sina Aga Muhlach at Angel Locsin.
Ni-launch din kamakailan si Jake bilang endorser ng bagong cologne ng Bench na ginanap sa SM Skydome. Doon ay nakausap ng BANDERA si Jake bago siya pumunta sa shooting ng movie niya sa Antipolo.
BANDERA: Kumusta ang pagsu-shoot ng bagong movie mo?
JAKE CUENCA: Actually, tatlo. Katatapos ko lang nu’ng isang inide film ko. First indie film ko ‘to. Natapos ko siya nu’ng Sept. 7. Planong ipalabas on Dec. 1 kasi nga World Aid’s Day. This is about HIV. So, first indie ko siya kaya proud na proud ako sa project na ‘to. Mahirap siyang gawin, kasi nga sobra akong sanay sa paggawa ng project sa TV at sa mainstream movies. Iba naman ‘to.
Ang role rito ko ay isang lalaking may HIV. Pero ano siya, based on my perspective. Para kaming nagdo-document ng mga tao na may HIV. Si Buboy Tan ang director namin.
B: Bakit mo tinanggap ang pelikula na may kinalaman sa AIDS?
JC: Unang-una, Buboy Tan. Napanood ko na ‘yung iba niyang pelikula gaya nu’ng kay Rosanna Roces na sobrang nagustuhan ko. Pangalawa ‘yung material na ibinigay sa akin, ‘yung script. Nagustuhan ko talaga. Hindi pa ako nakakagawa ng ganu’ng klaseng character at ganu’ng klaseng kwento. Matagal ko nang pinapangarap na gumawa ng indie film, ayun naitawid ko naman. Kasama ko sa movie sina Iza Calzado, si Maria Isabel Lopez, si IC Mendoza, si Candy Pangilinan.
B: Sa set ba ng indie film na ito kayo naging close ni IC?
JC: Oo, naging close kami ni IC. Naging magkaibigan.
B: Napag-usapan n’yo ba ang isyu tungkol sa babaeng ka-date raw niya na nakita ni IC?
JC: May mga iba kaming pinag-uusapan. Kasi nga sa Juicy medyo ano, hindi niya ako binuking. Ako na mismo ang nag-ano, siyempre nu’ng nagkita kami kinausap ko na siya. Sabi ko, ‘IC, parang, bakit naman ganu’n? Tapos isang beses lang ako lalabas parang naging ganu’n pa ang tsismis. At alam ko, kasi nandu’n din siya, e. Parang sinabi ko sa kanya, more or less, alam ko na nanggaling sa kanya, e.
Pero okey lang. Sinabi ko naman sa kanya na nirerespeto ko ang trabaho ng mga reporter at malaki talaga ang utang na loob ko sa press. So, at the end of the day, ginagawa lang nila ang trabaho nila. ‘Yun na ‘yun.
Sinabi ko na lang na hanap-buhay niya ‘yun. But at the same time sinabi ko sa kanya na huwag naman sanang exagge masyado. Kasi parang OA naman. Napanood ko, kinuwento nga sa akin ni Neal (de Guia, his manager) parang isang beses lang naman ako lumabas.
B: Ano ba ang totoong nangyari?
JC: Hindi, siyempre lumabas ako kasama ko ang mga kaibigan ko. Mga high school friends ko pa ‘yun. Tapos ayon na, lumabas kami, normal lang. Walang babae, pero siyempre, may mga fan na magpapa-picture sa ‘yo, ‘di ba? At karamihan naman ng mga nagpapa-picture babae. Wala kang magagawa. Hindi ko naman pwedeng tanggihan ‘yun, ‘di ba?
Hindi naman pwedeng kapag lumabas ako bawal magpa-picture kasi matsitsismis ako. Parang ang yabang ko naman. Hindi ko pinik-ap ‘yung babae. Hindi ko nga maintindihan, e. Basta sa akin lang, kung sinuman, babae man o lalaki o kahit sino na gustong lumapit sa akin na gustong magpa-picture hindi ko tatanggihan. Kasi kasama ‘yan sa trabaho ko. At para sa akin compliment ‘yun, e.
Samantalang, ‘yung iba nga hindi pinapansin. Ako, matagal na akong nag-aartista. Nanggaling na ako doon sa point na ’yun. Naramdaman ko na ‘yung hindi ka pinapansin at ngayong may lumalapit, may nagpapa-picture hindi ko naman tatanggihan ‘yun. Siyempre, at lalaki lang din naman ako na kung may babae na gustong magpa-picture, ‘di ba? Ipagkakait ko pa ba sa kanya ‘yun? Ang sa akin lang naman, nag-usap kami ni IC. Sabi ko, ‘IC, parang OA naman masyado.’ Kung itsitsismis ninyo ako sabihin ninyo naman talaga ‘yung nangyari. ‘Yung totoo lang, ‘di ba?’
B: Sinita mo ba si IC tungkol dito?
JC: Hindi pero nag-usap nga kami mga two weeks after noon. Sabi ko sa kanya, ‘IC, bakit naman ganu’n?’ ‘Yung parang ‘di ba nag-shoot tayo ng indie, okey naman tayo. Tapos nagkikita naman tayo minsan sa mga places, ‘yun nga ‘di maiiwasan kapag lumalabas nagkikita tayo. Pero okey naman tayo. Bakit nagkaganu’n?
Kasi sabi ko, at the end of the day, trabaho nila ‘yun, e. Trabaho ni Tita Cristy (Fermin) ‘yan. Trabaho nina IC ‘yun. Meron silang show. Siyempre bago ‘yung show nila, kailangan nila ng intriga. Gawin na lang nila. Basta sa akin alam ko ang totoo.
Kilala ko ang sarili ko and at the end of the day, artista ako. Parang kapag may gusto ngang lumapit at magpa-picture hindi ko maiiwasan ‘yan. Ngayon kung gusto nilang bigyan ng kulay o malisya ‘yung ginawa ko, nasa kanila ‘yan. Basta ako nirerespeto ko ang trabaho nila. Naiintindihan ko ang ginagawa nila kasi nga itinatayo nila ang bago nilang show. At ‘yun na ‘yon.
B: May natutunan ka ba sa nangyari?
JC: Lesson learned siguro ngayon mas pipiliin ko na lang ang lugar na pupuntahan ko. Kasi naman ‘yung pinuntahan ko doon maraming tao at hindi lang ako ang artistang nagpupunta doon lagi. Bar siya. Ang sa akin, iwas na lang. Kung kayang umiwas, iwas na lang lagi.
Ang sa akin minsan lang naman talaga ako lumabas. Minsan lang talaga ako magka-free day. Alam mo sa schedule namin, at nagkaroon ka ng free day siyempre naman pupuntahan ko ang mga kaibigan ko. Gusto ko namang ilabas ang mga kababata ko. Dapat ko lang silang i-treat.
B: Tungkol naman sa mga kaibigan mong sina Kim Chiu at Gerald Anderson, ano naman ang reaksyon mo sa balitang break na ang dalawa?
JC: A, ayokong mag-comment para sa kanila. Siyempre business nila ‘yun at pareho ko silang kaibigan. So, kung ano man ang pinag-usapan nila, kung meron man silang pinagdadaanan, sana at the end of the day pareho silang masaya.
B: Ano naman ang masasabi mo sa mga co-star mo sa teleseryeng Green Rose.
JC: First time kong makatrabaho si Anne (Curtis) at si Jericho (Rosales). Bale love triangle kami pero kasi involved din si Alessandra de Rossi. Parang siya, somewhat completes the quadrangle love story sa show. So, malaking karangalan sa akin na makatrabaho silang dalawa lalo na si Echo. Kasi nag-aartista pa lang ako Jericho na ‘yan, e. Tapos isa rin siya sa mga iniidolo ko. Mahusay na artista talaga siya.
B: Kumusta naman ang working relationship n’yo ni Marian sa pelikula?
JC: Uhm, hindi kami magkasama ni Marian nu’ng first day pero nakatrabaho ko si Mike Tuviera. Nu’ng huli ko sa GMA, hindi ko na siya inabutan. Nu’ng pag-alis ko doon, siya naman ang papasok. Masaya, kasi parang may nakikita ako na familiar faces kasi nga Regal. Karamihan sa staff nila na taga-GMA din. Nandu’n din sina Iza Calzado, siya ‘yung kontrabida. One day lang si Iza sa indie at siya ‘yung nasa last day. So, ah, masayang-masaya. Kasama rin dito si Pokwang at marami pang iba.
B: Nabanggit ni Aga Muhlach na bilib siya sa dedikasyong ipinapakita mo trabaho. Ano’ng masasabi mo dito?
JC: Oo, totoo ‘yun. Kaya nga sinabi ko kanina, kapag ang isang tao nabigyan ng konting bakasyon, siyempre gusto mo namang lumabas. Gusto mo namang mag-enjoy basta wala kang masaktan, wala kang inaapakan, wala kang inaagrabyado. But like what I’ve said, basta ang sa akin masaya ako sa mga ginagawa ko at wala akong sinasagasaang ibang tao.
Nakaka-flatter na isang Aga Muhlach, isang napakalaking artista sa showbiz ang magsasabi sa ‘yo ng ganu’n kagandang papuri. Nakakataba ng puso at nakaka-inspire. Hindi naman kasi lahat ng artista nasasabihan ng mga magagandang pahayag mula sa mga nirerespetong artista, di ba?
Bandera Entertainment, philppine entertainment news, 092710
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.