WINASAK ng Metro Manila Film Festival 2023 ang record ng pinakamalaking kinita ng taunang filmfest na naitala noong 2018.
Umabot na sa P1.069 billion ang gross sales ng 10 official entry sa ika-49 edition ng MMFF na tumakbo mula December 25, 2023 hanggang January 7, 2024.
Nalagpasan na nito ang kinita ng walong pelikulang kalahok sa MMFF 2018 na umabot naman sa P1.061 billion sa dalawang linggong pagpapalabas nito sa mga sinehan.
Yan ang kinumpirma ni MMDA Acting Chairman and concurrent MMFF ExeComm Chairman Atty. Don Artes kanina sa naganap na presscon sa New MMDA Bldg., Doña Julia Vargas Avenue, sa Pasig City.
“This is despite the fact na noong 2018, almost 1,200 cinemas po ang open. This year po, nasa 800 lamang yung sinehan natin. Marami pa pong sara.
“Siguro po masasabi natin na yung success po ng 2023 MMFF ay due to the quality of the films we offered.
Baka Bet Mo: 10 MMFF 2023 entry kumita na ng P800-M, umabot kaya sa P1-B?
“Kahit na po 10 yung pelikula, as compared dati na walo, talaga naman pong magaganda ang pelikula, maaayos ang pagkakagawa,” lahad ni Atty. Don.
Aniya pa, “At yun pong observation namin dito, before ang bulk po ng nanonood ay CDE market. Ngayon po halos na-cover natin pati yung nga A, B, and C.
“In fact, parang mas marami nga po yung segment ng market na nanood from A, B and C dahil sa mga comments po ay nakita naming maraming nanood ng dalawa, tatlo o mas marami pa na pelikula.
“May mga iba pa na inulit pa pag nagustuhan nila ang pelikula. Dalawang beses nilang pinapanood.
“So hopefully we can sustain this hindi lamang ngayong Metro Manila Film Festival. Sana po makapag-offer pa yung ating mga production companies ng mga de kalidad na pelikula sa buong taon.
“At ine-encourage din po namin yung mga producers na mag-produce ng mas magaganda pang pelikula para sa 2024 Metro Manila Film Festival, which is our 50th edition,” dagdag pa niya.
Samantala, ibinahagi rin ni Atty. Don na walang magaganap na Summer MMFF ngayong taon.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin dahil hindi na po kami magsa-Summer, ang Metro Manila Film Festival. Dahil gusto po naming mag-concentrate sa 50th edition natin. Pero marami din naman po tayong activities na naka-line up.
Baka Bet Mo: Impersonator ni Toni Gonzaga ido-donate sa Golden Gays ang kinita sa online concert na ‘I Am Otin’
“Nag-usap ho kami ng FDCP, sa pangunguna ni Chair Tirso Cruz III, na kung puwede instead na Summer MMFF ay magkaroon ng Pista ng Pelikulang Pilipino para ma-sustain po natin yung momentum.
“At kami po sa MMFF ay nag-offer ng tulong kung sakaling magko-conduct po ang FDCP ng Pista ng Pelikulang Pilipino,” paliwanag pa niya.
Tumanggi ring kumpirmahin ng opisyal ng MMDA at MMFF ang balitang “Rewind” daw ang topgrosser this year na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Present din sa gaganap na mediacon si Winston Emano, ang representative ng magaganap na Manila International Film Festival (MIFF).