Target ni Tulfo by Mon Tulfo
HINDI raw tatanggalin sa tungkulin ni Pangulong Noy si Undersecretary Rico E. Puno ng Department of Interior and Local Governments (DILG) na nasangkot sa latest jueteng scandal.
Strike 2 na ang pagkakadamay kay Puno sa katiwalian.
Si Puno ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan na sinisisi sa kamatayan ng walong hostages sa Luneta dahil sa palpak na rescue.
Pero hindi matitinag si Puno dahil si Pangulong Noy mismo ang nagsabing dapat ay isailalim siya sa proseso.
Nalantad na ang sistemang “tayo-tayo” ng Pangulo kapag ang mga malapit sa kanya ay nasasangkot sa anomalya.
Para kay P-Noy hindi niya aalisin sa puwesto ang mga malalapit sa kanya kahit gaano kalaki ang kasalanan ng mga ito.
Si Puno ang nagturo sa pagbaril kay P-Noy at kanyang alalay at bodyguard noong siya’y wala pa sa puwesto.
* * *
Naiintindihan natin ang damdamin ni Pangulong Noynoy sa kanyang mga kaibigan.
Ako man ay ganoon din ang loyalty sa mga taong madidikit sa akin.
Pero dapat alalahanin ni Pangulong Noy na kapakanan ng bansa ang mauna sa kapakanan ng mga kaibigan.
Masakit man na itiwalag niya ang kanyang kaibigang nagkamali ay dapat niyang gawin dahil ito’y tawag ng pagkakataon.
Dapat niyang isaulo na siya’y Pangulo ng Pilipinas at hindi Pangulo ng kanyang mga kaibigan.
* * *
Baka mawawalan ng isang maprinsiyong miyembro ng Gabinete si Pangulong Noy dahil sa kanyang pagbale-wala sa resulta ng Incident Investigation Review Committee (IIRC).
Itinatag ng Presidente ang IIRC at ginawa niyang lider si Justice Secretary Leila de Lima.
Ang IIRC ay itinatag upang tukuyin ang mga taong dapat ipanagot sa nangyaring palpak na hostage rescue sa Luneta noong Agosto 23.
Sinabi ni P-Noy na hindi masyadong bilib sa report at rekomendasyon ng IIRC.
Ipaparepaso pa raw niya ang resulta ng imbestigasyon ng IIRC sa legal team ng Malakanyang.
Malaking sampal ito kay De Lima at hindi niya itinago ang kanyang pagkadismaya sa gagawin ng Pangulo na ipa-review ang kanyang pinaghirapan.
Ayon sa isang Bicolanong dating opisyal ng gobyerno na kababayan ni De Lima ay malamang magbibitiw ito sa tungkulin.
Maprinsipyo si De Lima, ayon sa kanyang kababayan, at hindi niya matitiis ang insultuhin ang kanyang pagkatao.
* * *
Kapag magre-resign si De Lima, maaaring magbibitiw din si Secretary Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Parehong taga Camarines Sur sina De Lima at Robredo, parehong maprinsipyo.
Sa aking palagay ay naghahanap lang ng tiyempo itong si Robredo upang magbitiw.
Para kasing ginawa siyang tau-tauhan sa DILG nang inalis ni Pangulong Noy ang pamamahala ng Philippine National Police sa kanya.
{ara ring sinampal si Robredo sa ginawa ng Presidente na ibigay ang pamamahala ng PNP kay Puno na isang subordinate.
Kahit saan man tingnan, malaki ang pagkakamali ni Noynoy sa pagtalaga niya kay Puno bilang tagapamahala ng PNP.
* * *
Itong present batch ng mga commissioners at chairman ng Commission on Elections ay pinakabobo na yata sa lahat.
Biruin mong paupuin ng Comelec sina Mikey Arroyo at Teodorico Haresco sa Kamara de Representantes pero di pinauupo si dating Energy Secretary Angelo Reyes.
Si Arroyo ay kumakatawan ng mga security guards at balut vendors at si Haresco naman ay mga maliliit na negosyante at bulag na masahista.
Si Reyes ay napiling ng 1-UTAK party-list na kumatawan ng transportation sector.
Na-disqualify sina Arroyo, Haresco at Reyes dahil daw hindi naman sila mahihirap na dapat kumatawan sa mga nasabing sector ng lipunan.
Pero inalis ang disqualification nina Arroyo at Haresco, samantalang si Reyes ay hindi.
Anong pagkakaiba ni Reyes kina Arroyo at Haresco?
Nasaan ang logic sa desisyon ng Comelec?
Bandera, Philippine News at opinion, 092710
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.