Bandera Editorial
BAKIT courtesy resignation lang ang ihahain ni Interior Undersecretary Rico Puno? Bakit hindi na lang siya magbitiw at huwag nang kumapit sa puwesto kahit ipit na ipit na siya sa mga kontrobersiya dahil wala pala siyang alam sa maraming bagay sa pulisya (tulad ng kanyang unang inamin)? Unang pumutok ang panawagan na magbitiw na si Puno nang aminin niya na wala siyang alam hinggil sa hostage situation, kung paano ito pamahalaan para magtapos nang walang nasusugatan o namamatay o paano pasukuin ang hostage-taker. Sa kanyang ginawa sa Luneta hostage drama, pinakakasuhan siya ng mismong kaalyado na si Justice Secretary Leila de Lima. At nang pumutok ang lagayan sa jueteng, nakabalandra na naman ang pangalan ni Puno. Siyempre, hugas-kamay, pero yan ba ang magandang depensa sa kabila ng tumitibay na mga ebidensiya? At kahapon, mismong Malacanang ang nagsabi na alam ni P-Noy na idinadawit si Puno sa jueteng. Anong bagahe pa ba ang kailangan para umalis na lang si Puno sa Department of Interior and Local Government?
* * *
Kakampi ba sila ni Mendoza? KAPAG galit si Manila Mayor Alfredo Lim ay sinasabi niya ito at di niya kinikimkim. At kapag sobra na o umaapaw na ang galit ni Lim ay sumisigaw siya, naghahamon ng kahit anupaman, suntukan man o barilan, lalo na noong siya’y kapitan pa lamang sa Manila Police Department. Oo nga naman. Kinampihan ba nina Leila de Lima at Teresitang Ang See si dismissed Senior Insp. Rolando Mendoza? May punto si Lim para ipagtanggol si Vice Mayor Isko Moreno sa pagtulong para mapayapa ang nagpupuyos na si Mendoza. Sa ginawa ni Moreno, napalaya pa nga ang ibang hostages at hiningi niya ito mismo kay Mendoza nang mag-usap sila. Ang pulis ay nagbubuwis ng buhay sa kakarampot na suweldo. Sa paglabas pa lang ng bahay ng pulis ay nasa hukay na ang kanyang kaliwang paa. Kung ang pakay ay sisihin ang mga pulis para matuwa ang mga Intsik ay tama ang ginawa nina De Lima at Ang See. Sisihin ang mga pulis at huwag si Mendoza.
Bandera, Philippine News at opinion, 092410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.