SHARON mas gustong kasama ang mga hayop
Sa wakas, natumbok din ng TV5 ang isang proyektong huhuli sa manonood para kay Sharon Cuneta. Kahit mga bata ay hawak na ngayon sa leeg ng kanyang Madam Chairman, aliw na aliw ang mga bagets kay Sharon, ngayon nga lang naman siya gumawa ng ganu’ng palabas na komedyang-komedya mula umpisa hanggang sa huli ng episode.
Ito ang klase ng panooring hindi niya ginagawa palagi, puro drama ang napupuntang proyekto sa kanya, bibihira ang katulad ng “Crying Ladies” nu’n sa nagustuhan ng ating mga kababayan.
“Napakasaya namin sa set, palibhasa, light lang din ang tema ng serye namin. Magaan, cool na cool lang, pampaalis ng pagod ng televiewers mula sa maghapon nilang pagtatrabaho.
“Ito ‘yung matagal ko nang gustong gawin, nakakaaliw kasi, walang work kapag ganito, ine-enjoy ko ang taping, masasaya kaming lahat,” kuwento ng Megastar.
Pagkatapos ng kanyang trabaho ay diretso na agad siya sa bahay, walang hilig ang Megastar sa pag-istasyon muna sa kung saan-saang lugar kapag tapos na siya, ‘yun naman ang kanyang panahon para sa mag-aama niya.
Kapag mahaba-haba ang pahinga ay nagpupunta sila ni Senador Kiko sa kanilang farm, pampaalis niya naman ‘yun ng stress, nahihilig na rin ngayon ang Megastar sa paghahayupan at paghahalaman.
“Sobrang tutok ang asawa ko ngayon sa farm niya, he enjoys it a lot, and I know, nararamdaman ko na rin ngayon, ibang-iba talaga if you commune with nature.
Napakarami naming fruit bearing trees sa farm, may mga alaga rin kaming mga hayop na mapapakinabangan, planong mag-breed ni Kiko,” balita pa ni Sharon.
Hindi raw siya masaya, ayon sa Megastar, maligaya raw siya sa takbo ng kanyang personal na buhay at karera ngayon. At nakikita naman ‘yun ng kanyang mga katrabaho, bumalik na uli ang bungisngis na si Sharon, ang babaeng napakababaw lang ng kaligayahan kung tutuusin sa kabila ng kanyang yaman at tagumpay.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.