Cast ng ‘Mallari’ at ‘Gomburza’ sama-samang nag-party, pero wala si Piolo
By: Reggee Bonoan
- 11 months ago
Bryan Dy at ang cast members ng ‘Mallari’ at ‘Gomburza’
NAKI-PARTY ang cast ng pelikulang “Gomburza” na sina Enchong Dee, Elijah Canlas at Cedrick Juan kasama ang direktor nilang si Pepe Diokno sa grupo ng “Mallari The Movie.”
Ginanap ito sa Pool and Bar Lounge ng Novotel Manila, Araneta City pagkatapos ng Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal nitong Miyerkules, Disyembre 27.
Naiuwi ng “Gomburza” ang 2nd Best Picture award, Best Director, Best Cinematography, Best Production Design, Best Sound Design, Best Actor at Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award.
Sa nasabing venue ang “Wrap Party” ng “Mallari The Movie” headed by Mentorque President and CEO na si John Bryan Diamante kung saan kasama ang buong staff and crew bilang pasasalamat na rin para mabuo ang pelikulang pinagbidahan ni Piolo Pascual kasama sina JC Santos, Elisse Joson, Janella Salvador at Ms. Gloria Diaz mula sa direksyon ni Derick Cabrido.
Kaya ang saya-saya ni Bryan nu’ng gabi dahil nakapag-uwi sila ng apat na awards tulad ng Best Supporting Actor, Best Musical Score, Best Visual Effects at 3rd Best Picture.
Hanggang sa nakita na lang naming pumasok na sa venue sina Cedric, Elijah, Enchong at direk Pepe at iba pang kasama nila at nagbigay-pugay kay Bryan at ipinakilala nila isa-isa ang kanilang mga sarili.
Natanong namin si Enchong kung bakit sila naroon, kasi nga ang alam namin ay exclusive party iyon.
“Nasaraduhan na kami nu’ng venue na dapat na pupuntahan namin, eh. E, nabalitaan naming maraming drinks dito at food kaya nandito kami. Ha-hahaha!” sabi ng aktor.
Nakakatuwa naman dahil ang gandang tingnan na nagkakatsikahan ang mga artista ng “Mallari” at ng “Gomburza” at may pictorial pa sila.
Nagkabiruan pa nga na sana’y makagawa rin ang grupo ng “Gomburza” sa Mentorque Productions lalo na si Enchong na kinukulit na ang caster ng “Mallari.”
Anyway, saya-sayahan lang ang ganap nu’ng gabi at bumaha talaga ng drinks na in fairness ay wala naman kaming nakitang tumumba.
Hindi pala nakasama si Piolo sa wrap party dahil maaga siyang natulog. Kinabukasan kasi ay maaga pa ang call time niya para sa mall show ng “Mallari” sa SM Batangas, SM Sto. Tomas, SM Lipa at Fishermall Q.C. kahapon, Huwebes.
Nauna na kaming umuwi ng 4 a.m. at iniwan na namin ang lahat na nagkakasayahan pa tulad nina JC, Direk Pepe, Elijah at Cedrick. Hindi naman namin nakita na si Enchong na mukhang tumakas na at ayaw mapuyat.
Samantala, ipinost naman ni Bryan ang larawan ng grupo sa kanyang Facebook account na may caption na, “#Mallorza? or #Gombullari? Congrats Everyone!”