Apat na dekada nang tumatagal ang Vilma-Boyet loveteam sa entertainment industry at hindi na rin mabilang ang mga award-winning movies na nagawa nila.
Ayon kay Ate Vi, respeto, friendship, chemistry, professionalism ang ilan sa mga sikreto sa likod ng matagumpay nilang tambalan at until now ay napakaganda at buong-buo pa rin ang kanilang pagkakaibigan.
Nakachikahan ng mga entertainment editors sina Ate Vi at Boyet kamakailan para sa promo ng bago nilang movie na “When I Met You In Tokyo” na isa sa 10 entry sa Metro Manila Film Festival 2023, at nai-share nga nila ang mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay napakainit pa rin ng kanilang loveteam.
Pero ang isa sa mga nagmarka sa amin ay ang naging sagot nila sa tanong kung bakit never silang nagkaroon ng relasyon kahit na apat na dekada na silang nagtatambal sa mga pelikula.
“Basta ang nangyayari sa amin, kapag ako libre, si Yetbo (tawag niya kay Christoher) hindi. Kapag si Yetbo libre, ako hindi. But the thing is inirerespeto nga namin ang isa’t isa.
“Kapag siya may girlfriend I know where I stand. Kapag may girlfriend siya, respeto ko siya. Pero kapag mag-asawa ang role namin, asawa ko siya. Pero after the scene, may girlfriend siya and vice versa,” pahayag ng Star for All Seasons.
Pambubuking naman ni Boyet kay Ate Vi, “Gosh! Dumadalaw pa iyong mga boyfriend niya. May eksena kaming love scene, ‘ano ba ‘yan, pauwiin mo muna ‘yan.'”
Sey uli ni Ate Vi, “Ganyan ang pagsasama namin ni Yetbo. Who would think na after more than 40 years, we’re both still here.”
Rebelasyon pa ng dalawang veteran stars, hindi naman imposibleng magkagustuhan sila, pero sabi ni Ate Vi, “Hindi naman mawawala iyong attraction mo sa isang tao, part ‘yun eh. Hindi mawawala iyon.
“The thing is binigyan namin ng importansiya ang respeto. Hindi namin ginugulo ang buhay ng isa’t isa. And ‘yung boundaries namin is respeto and ayaw nga namin guluhin ang buhay ng isa’t isa,” dugtong ng veteran actress.
Sa tanong naman kung wala bang umay o sawa factor sa dalas nilang pagsasama sa acting projects, sagot ni Vilma, “Paano naman ako mauumay modesty aside, pagbalik ko at hindi ako tumakbo sa politika, nagkaroon ako ng time.
“Ang dami kong offers, but I chose this one (When I Met You In Tokyo). I have three offers, nakausap ko na, naka-meeting ko na.
“But when I learned that they are trying to get me for Mr. Christopher de Leon, a love story na sa edad namin, ito ang inoohan ko at ito ang ginawa ko. Walang umay, excited nga!” pag-amin ni Ate Vi.
“We made it a point that itong movie na gagawin namin it’s more of a love story about of our age. People our age.
“I mean ‘yung mga taong just forgot about loving, and just working and you know may mga ganyang situation or never fell in love or whatever. So noong nagustuhan yata niya nagustuhan na niya,” paliwanag naman ni Boyet.
Dagdag naman ni Vilma, “When Redgie Magno (isa sa mga producer ng movie) told to me na kung paano nag-umpisa. Nag-conceptualize muna sina Boyet then they we’re looking na sino gaganap for Azon, Yetbo suggested me. Sinabi ni Redgie na ako ng gusto ni Yetbo.
“When I learned na si Christopher de Leon, right away, ‘yes gusto ko ‘yan.’ Lalo ko siyang nagustuhan when I learned the synopsis kasi sabi ni Ms Regs it’s a love story pero ‘sa edad ninyo.’
“And what happened was, hindi ko pa masyado kakilala ang dalawang direktor. That’s why ako rin ang humingi na si Christopher de Leon ang maging associate director ng movie.
“Hiniling ko iyon talaga na sana si Christopher de Leon ang maging associate director kasi I feel more comfortable with him. Imagine my perenial loveteam directed me?!” mahabang sabi ni Ate Vi.
“Ang ‘When I Met You’ na kanta ay isinulat nina Jim Paredes and the National Artist Ryan Cayabyad and sang by Danny Javier. If you will listen to the music now, every line ng kanta, that’s the story of When I Met You In Tokyo. Everyline basahin ninyo,” sabi naman ni Boyet.
Ang “When I Met You In Tokyo” ay ipinrodyus ng JG Productions nina Rowena Jamaji, Karishma Gidwani, at Redgie Magno at idinirek nina Rado Peru at Rommel Penza, mula sa panulat ni Suzette Doctolero.
Kasama rin sa movie, na iikot sa kuwento ng dalawang Overseas Filipino Workers sa Japan, sina Cassy Legaspi, Darren Espanto, Kakai Bautista, Lyn Cruz at marami pang iba.
Showing na ito sa mga sinehan nationwide simula sa December 25 bilang bahagi ng MMFF 2023.