Louise, Rhen tagumpay sa pananakot sa horror movie na ‘Marita’

Louise, Rhen tagumpay sa pananakot sa 'Marita', sigawan nang sigawan sa sinehan

Louise delos Reyes, Roni Benaid at Rhen Escaño

SHOWING na ngayon sa mga sinehan nationwide ang latest horror flick mula sa Viva Films, ang kakila-kilabot na kuwento ni “Marita.”

Napanood na namin ang pelikula na ibinase sa mga tunay na pangyayari, sa ginanap na premiere night nito last Tuesday, sa Cinema 2 ng SM Megamall na dinaluhan ng cast members at ng iba pang mga celebrities.

Siyempre, present ang mga stars ng “Marita” na sina Louise delos Reyes, Rhen Escaño, Yumi Garcia, Ashtine Olviga, Taneo Sebastian, at marami pang iba pa.

Naroon din ang direktor ng movie na si Roni Benaid, na siya ring nagdirek ng pumatok na supernatural horror thriller na “Mary Cherry Chua” under Viva Films din.


In fairness, na-enjoy namin nang bonggang-bongga ang “Marita”. Bukod sa napakaraming sigaw moments, maganda rin ang pagkakalahad ng kuwento nito at maayos ang pagkakatahi ng bawat eksena at pagkakabuo ng pelikula.

Tama nga ang sinabi nina Louise at Rhen nang makachikahan namin sa presscon ng movie – si Marita na nga ang bagong mukha ng kilabot at katatakutan!

Sa kuwento, nakilala si Marita bilang isa sa pinakamahusay na artista sa teatro na tinatanghal sa unibersidad. Nang nagsidating ang mga mas batang estudyante na mahusay rin sa pag-arte, hindi ito ikinatuwa ni Marita.

Baka Bet Mo: Rhen Escano 10 taon naghintay bago bumida sa pelikula: Hindi ako sumuko, laban lang!

Kakumpetensiya ang turing niya sa kanila, at totoo namang naging  matamlay ang kanyang kasikatan dahil sa kanila. Kaya sa isang pagtatanghal, sinigurado ni Marita na magmamarka ang kanyang huling pagganap. Nagpakamatay siya sa harap ng mga manonood.

Si Louise ang gumaganap bilang si Sandra na bagong propesor sa College of Arts, habang si Ashtine si Cristina, at si Rhen naman ang mapaghiganting multo na si Marita.

Matapos ang ilang taon, gustong buhayin muli ang official theater group ng unibersidad at si Sandra ang naatasan para buuin ito. Agad siyang nagpatawag ng audition na dinaluhan ng mga freshmen at sophomore students. Muling binuksan ang Socorro Hall para sa kanilang pagtatanghal.

Napili na ang mga aktor.  Sinimulan na ang mga workshop. Inihahanda na ang produksyon. Pero may pumipigil na matuloy ito.

Ang napiling bida na si Cristina ay nakakarinig ng boses habang nag-eensayo siya ng kanyang mga linya. Minsan ay may namataan pa siyang isang babae. Ang mga props ay nagsisiwalaan at nasisira. Sunud-sunod ang mga aksidenteng nagaganap.

Narinig na noon ni Sandra ang tungkol sa multo ni Marita pero hindi niya ito pinansin. Ngayon, kailangan na niya itong seryosohin dahil mas tumitindi ang pinsalang nangyayari.


Gagawin ni Marita ang lahat para magbalik sa kanya ang atensyon ng lahat. Ngayon, hindi lang ang produksyon ang nakasalalay, kundi mga buhay. Para kay Marita, tuloy ang sumpa!

Baka Bet Mo: Rebelasyon ni Louise delos Reyes sa relasyon nila noon ni Alden Richards: ‘Kapag nag-aaway kami, para kaming magdyowa’

Nakakaloka! Ilang beses kaming napasigaw nang dahil sa pananakot at panggugulat ni Marita!

As in napapamura ka talaga sa bawat paglitaw ni Rhen na super epektib sa kanyang pagganap bilang multong hindi matahimik dahil sa pagiging insecure at inggitera.

Marami kaming narinig na komento mula sa mga nanood sa premiere night, siguradong marami nang manggagaya at magko-costume ng Marita kapag sasapit ang Holloween party.

Kaya sugod na ngayon sa mga sinehan at tuklasin ang misteryo at kababalaghan sa buhay ni “Marita”.

Read more...