Talak ni Ogie Diaz sa bashers: ‘Anong akala n’yo sa mga idol n’yo, perfect?! Hindi nagkakamali, hindi nalilihis ng landas?!’
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Kathryn Bernardo, Daniel Padilla at Ogie Diaz
DUMALO ang “Showbiz Update” hosts na sina Ogie Diaz at Mama Loi sa ginanap na premiere night ng pelikulang “Ma’am Chief: Shakedown in Seoul” sa SM Megamall Cinema 8 nitong Sabado ng gabi.
Ang “Ma’am Chief” ay pinagbibidahan ni Melai Cantiveros-Francisco kasama sina Karylle, Alora Sasam, Jennica Garcia, Enzo Almario, Bernadette Allyson-Estrada, Pepe Herrera, Dustin Mayores, Louella Gomez, Al Tantay at marami pang iba.
May special participation din sa pelikula ang Korean actors na sina Lee Seung-gi, Do Ji-han, Yuju, Rolling Hearts, Ju Young Ha, Seong Jin Park, Heonyul Kim, Suya Lee, at Ji Yong Park, mula sa Pulp Studios na mapapanood na sa Miyerkules, Nobyembre 15.
Kahit hindi kasama sa pelikula sina Ogie at Mama Loi ay talagang hiniyawan sila ng mga fans nang umakyat sila sa stage para batiin si Melai sa kanyang pelikulang siya ang pinakabida. May mga nagpa-picture rin sa “SU” hosts.
Anyway, iniintriga nitong mga huling araw si Ogie dahil sa mga ibinalita raw nitong fake news na hiwalay na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Napanood namin ang episode na umere sa “Showbiz Updates” at napakalinaw naman ng sinabi ng host na hindi ito kumpirmado pero mainit na pinag-uusapan at sana nga hindi totoo.
Siyempre hindi ito tanggap ng supporters ng KathNiel kaya’t kung anu-ano ang ibinabansag ngayon kay Ogie pero ang nakapagtataka kahit na ninenega siya ngayon ay marami pa ring tumatawag ng pangalan niya at marami pa ring gustong mag-workshop sa kanya.
Anyway, nag-post si Ogie nitong Linggo ng hapon tungkol sa mga natatanggap niyang mensahe sa bashers na talagang pinatulan na rin niya.
Aniya, “’Pinagkakakitaan n’yo ang buhay ng mga artista! Galing sa tsismis ang ipinangkakain nyo sa pamilya nyo!
“Tongue enuh netong mga ‘to! Ganyan silang mga delulu fans pag ayaw nila ng balita mo tungkol sa idol nila.
“Pero pag pinuri-puri mo naman ang mga idol nila, di naman nila naiisip na galing sa tsismis ang ikinabubuhay namin. Kung minsan, ‘Magkano ibinayad sa ‘yo para purihin sila?’
“Queen ina n’yo, saan pa namin ilalagay ang sarili namin, dahil di namin kayo ma-spelling?” ang pahayag ni Ogie.
Oo nga naman, minsan nga ang mga fans pa mismo ang nagpaparating sa mga idolo nila na nasulat sila ng hindi maganda kaya naman ang mga artista lalo na kapag wala sa mood ay nagagalit o kaya ay ipapa-ban ka sa mediacon nila.
In fairness may mga fans din na sila na mismo ang nagpapasalamat on behalf sa kanilang mga idolo kapag nasusulat ng maganda na kadalasan kasi ay hindi marunong magpasalamat ang mga artista.
Anyway, ipinaliwanag ni Ogie na hindi perpekto ang mga artistang hinahangaan ng fans.
“Baket? Anong akala nyo ba sa mga idol nyo, perfect?! Hindi nagkakamali? Hindi nalilihis ng landas?
“Tama lahat ang desisyon at palakad sa buhay? O, eh bakit hindi n’yo ikampanya para ma-beatify na para tuluyan nang maging Santo?
“Peck peck n’yong blue,” aniya pa.
Maraming natawa sa post na ito ng komedyanteng host dahil kahit alam mong irita na ay idinaan nito sa patawa para hindi nga naman nakakairitang basahin.
Sa mga nabubulagan ng supporters ng bawa’t artista dapat matutong tumanggap kung ano ang pagkakamali ng mga idolo n’yo.