Melai saludo sa pagiging professional ng Korean stars habang nagsu-shooting: ‘Nakaupo lang sila, walang tent-tent… nakaabang lang diyan’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Melai Cantiveros at ang iba pang cast members ng ‘Ma’am Chief’
BILIB na bilib ang Kapamilya TV host-actress na si Melai Cantiveros sa work ethics ng mga Korean stars at production staff.
Hinding-hindi makakalimutan ni Melai ang naging experience niya sa shooting ng latest movie niyang “Ma’am Chief: Shakedown in Seoul” na kinunan sa South Korea.
Inilarawan ni Melai ang nasabing Korean production team sa pangunguna ng producer nitong PULP Studios bilang “very systematic and organized.”
“Ang trabaho du’n eight hours, nine and 10 hours matagal na ‘yun, hindi ka na pwede lumagpas dun. Kapag lumagpas ka dun kailangan mo kausapin lahat.
“Kahit isa lang hindi pumayag, utiliy, hindi pwedeng dumiretso ‘yan, kasi nirerespeto nila ang karapatan ng bawat isa,” pahayag ni Melai sa interview ni Ogie Diaz na napapanood sa YouTube channel nito.
Pagpapatuloy pa ni Melai, “Grabe sila ka-dedicated sa work nila at tsaka walang tent-tent du’n kasi sa 8 hours na shooting nandu’n na ‘yung lunch so nakatayo ka lang talaga kasi alam mo na ‘yung gagawin eh, na-meeting niyo na ‘yung gagawin so dire-diretso.
“‘Yung mga kasama namin na Korean stars, sina Lee Seung-gi at Do Ji-han, nakaupo lang ‘yun, walang tent-tent. Nakaabang lang diyan. Sabi ko nga mabilis pala ang work kapag ganito,” aniya pa.
Ibinahagi rin ng Kapamilya actress ang naging usapan nila ng kanilang assistant director sa movie, “‘Yung assistant director namin du’n na babae is assistant director ng Crash Landing On You.
“Umulan kasi eh so open tent sumilong lahat. Sabi ko, ‘Sarah sit, sabi niya, ‘No, we will stand because our boss is standing.’ Kasi yung DOP (director of photography) nila is standing. Ganu’n sila sa respect, na-amaze talaga ako,” sey ni Melai.
Sa pelikula, ginagampanan ni Melai ang role ni SPO4 Crisselda Kaptan, ang pulis na isa ring certified K-Pop fan. Isang kriminal ang kanyang tutugisin sa isang special mission sa Seoul sa pamamagitan ng pagdi-disguise bilang tourist guide.
Kasama rin sa action-comedy film na ito sina Karylle, Jennica Garcia at Alora Sasam. May special participation din ang mga South Korean stars na sina Lee Suya at Park Jiyong.
Showing na ang “Ma’am Chief” sa mga sinehan simula sa darating na November 15 mula sa PULP Studios.