Ruru Madrid puring-puri ng mga pambatong action stars sa Pinas: ‘Sobrang starstruck po talaga ako sa kanilang lahat!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ruru Madrid at Phillip Salvador
SALUDO sa talento, galing sa pakikisama at propesyonalismo ni Ruru Madrid ang mga kilalang action stars sa Pilipinas mula sa iba’t ibang henerasyon.
In fairness, all out ang support kay Ruru ng lahat ng co-stars niya sa Kapuso primetime series na “Black Rider” at talaga namang puring-puri nila ang binata sa lahat ng mga pasabog na eksena nito.
Bumilib sa kanya ang mga action stars at mga seasoned actor ng local showbiz tulad nina Phillip Salvador, Zoren Legaspi, Raymart Santiago, Raymond Bagatsing, Isko Moreno, Monsour del Rosario, Roi Vinzon at Gary Estrada.
Sabi ni Ruru, napakaswerte niya na nakatrabaho niya ang mga nabanggit na aktor, “Sobra! Actually, ang nakaka-fight scene ko pa lang so far, si Sir Monsour, pero siyempre lahat po ng tinitingala po nating mga action stars, napanood ko po yung mga pelikula nila dati, so alam mo yun, may starstruck pa rin, e!
“Lalo na kapag nasa set na kami, kami ni Boss Monsour nagkaroon kami ng isang fight scene at sobrang nakakatuwa, kasi sabi ko nga masipa lang ako ni Boss Monsour malaking karangalan na, e!
“Kasi yun talaga yung pinapanood natin, yung mga sipa niya, mga fight scenes niya.
“So, nakakatuwa lang kasi iba po yung naging tiwala niya sa akin, iba rin po yung may mga binibigay din siya sa akin na mga tips pagdating sa paggawa ng action, kung papaano po yung mga anggulo, paano yung mga daya, papaano yung mga sapaw.
“Itinuturo po niya sa akin, at ako naman para akong sponge lang na tagatanggap, kasi siyempre lahat po ng mga natututunan ko sa kanila iyon po yung ia-apply ko sa trabaho ko.
“But eventually, yun din po yung pwede ko pang maituro sa mga bagong henerasyon pa ng mga gusto pang mag-action,” pahayag ng Kapuso Action-Drama Prince.
Ano naman ang reaksyon niya sa mga magaganda at positibong komento ng mga nabanggit na action stars about him, “Sobrang grateful, sobrang punung-puno po ang puso ko ngayon ng pasasalamat.
“Sabi ko nga kanina, mapabilang lang po sa kanila at makaeksena, kasi dati pinapangarap ko lang po ito, sa totoo lang, nanonood lang po ako dati ng mga pelikula nila.
“Para sabay-sabay, lahat sila pinapanood ko. Sobrang nilu-look-up ko at nangangarap din na balang araw makagawa din ng teleserye or pelikula na action, at ngayon nabibigyan na po ng katuparan, so I’m just very lucky, very grateful na nangyari ito sa buhay ko.
“Siguro hindi po ito mangyayari kung hindi po…of course, galing po sa tiwala ng GMA, ng Public Affairs, ng Sparkle, thank you guys so much and I promise I won’t let you down, in every scene na ginagawa ko, I will give everything, more than hundred percent.
“Sabi ko, hindi para i-prove yung sarili ko sa ibang tao, but also to prove to myself na kaya ko at deserving ako para sa role na ito,” sey pa ni Ruru nang makachikahan namin at ng ilan pang members ng press sa mediacon ng “Black Rider” last October 27.
Napapanood ang “Black Rider” sa GMA Telebabad, 8 p.m., kung saan kasama rin sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman, Katrina Halili, Gladys Reyes, Rio Locsin, Maureen Larrazabal at Almira Muhlach.
Nasa cast din sina Jon Lucas, Joem Bascon, Dustin Yu, Joaquin Manansala, Kim Perez, Vance Larena, at Saviour Ramos, Empoy Marquez, Janus del Prado, Rainier Castillo, Jayson Gainza, Shanti Dope, Pipay, Ashley Rivera, Turing, Prince Clemente, Mariel Pamintuan at ang magka-love team na sina Ashley Sarmiento at Marco Masa.