Phillip ni-real talk si Ruru: ‘Hindi pwedeng basta guwapo ka lang lalo na sa action, kailangan meron kang alam’

Phillip ni-real talk si Ruru: 'Hindi pwedeng basta guwapo ka lang lalo na sa action, kailangan meron kang alam'

Ruru Madrid at Phillip Salvador

FEELING lucky ang Kapuso actor na si Ruru Madrid dahil talagang suportado siya ng mga veteran action stars ng Philippine Cinema.

Bukod kina Monsour del Rosario, Raymart Santiago, Zoren Legaspi at Raymond Bagatsing, pumayag din ang award-winning actor na si Phillip Salvador na makasama sa bagong serye ni Ruru na “Black Rider.”

Makalipas ang mahigit isang dekada, magkakatrabaho uli si Ruru at ang showbiz mentor niyang si Kuya Ipe sa full action series na “Black Rider” na magsisimula na tonight sa GMA Telebabad.

Matatandaang unang nagsama ang dalawa noong 2011 sa original artista reality search show ng GMA na “Protege” kung saan naging mentor ni Ruru si Phillip.

“Sabi ko sa kanya noon noong nag-third place siya, ‘Anak, hindi talaga para sa atin,’ sabi kong ganoon. ‘Pero alam ni God, ikaw ang pinakamagaling. ‘Pag nagkita tayo uli, I will tell you the same thing.’


“Kung hindi siya ang pinakamagaling, hindi siya si Black Rider ngayon,” ang pagmamalaki ni Kuya Ipe kay Ruru sa panayam ng GMA 7.

Ayon pa sa beteranong action star, talagang choosy na siya sa mga proyektong tinatanggap niya ngayon pero nang ialok sa kanyang ang “BR” ay  tinanggap daw niya agad dahil nais niya uling makasama si Ruru.

Baka Bet Mo: Ruru Madrid napaiyak sa sampal ni Phillip Salvador: Pero itinuloy ko ‘yung eksena, tinapos ko then sabi niya, ‘Good job!’

“Nagbibigay siya ng preparasyon para sa gagawin niya. Ganoon naman dapat ang attitude, eh. Hindi puwedeng guwapo ka lang parati, lalo na kung papasok ka sa action.

“Hindi puwedeng guwapo ka lang, kailangan meron kang alam. Kailangan alam mo ‘yung gagawin mo,” ang paalala ni Kuya Ipe kay Ruru.

Sabi naman si Ruru, “Noon pa man, sinasabi ko na talaga kay Tatay Ipe, ‘Tay gusto ko po talagang gumawa ng action.’ Pero sabi niya sa akin noong mga panahong ‘yun, ‘Naku anak, wala pang maniniwala sa ‘yo, ang payat mo pa.’ Kaya ‘yun, nagpursigi po akong mag-workout. Nag-training po talaga ako.”

Sa serye, gagampanan ni Phillip ang role ni Mariano, ang magtuturo ng self-defense at martial arts kay Ruru bilang si Elias.

Ilang beses nang naaksidente ang binata habang nagte-training at nagte-taping sa Tanay, Rizal kabilang na ang pagbubuhat ng dumbbells at pagpa-practice ng arnis.


“Okay, ganito po talaga,” ang pahayag ni Ruru matapos ipakita sa isang video ang isang insidente kung saan natamaan siya ng baston ng arnis kasabay ng pagpapagulung-gulong sa lupa.

Baka Bet Mo: Lolit hinangaan ang tatag ng loob ni Kris sa pagpapalaki kay Josh at Bimby

Sabi naman ni Kuya Ipe, “Tingnan mo ang bida ng ‘Black Rider.’ So totoo ang nangyayari, hindi ba? Magaling nang umarte, magaling pang tumanggap ng sakit.”

Paglalarawan naman ni Ruru sa adbokasiya ng “Black Rider”, “Hindi lang siya basta kuwento ng mga delivery riders kundi kuwento rin po siya ng bawat ordinaryong Pilipino na lumalaban sa buhay.

“Alam naman nating lahat na araw araw, marami tayong mga pagsubok, araw araw maraming mga problema, pero tayong mga Pilipino marunong tayong lumaban at tumayo sa sarili natin so dito po, maikukuwento po natin ‘yun,” paliwang ni Ruru.

Ka-join din sa latest series ng GMA  sina Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Yassi Pressman, Jon Lucas, Kylie Padilla, Janus del Prado, Gladys Reyes, Maureen Larrazabal at marami pang iba. Ngayong gabi na ang pilot nito, November 6, 8 p.m. sa GMA Telebabad.

Read more...