Lito Lapid, Grace Poe tinulungang makapasok sa ‘Batang Quiapo’ si Deborah Sun; may monthly supply pa ng bigas, grocery kay Ara
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Julius Babao, Ara Mina at Deborah Sun
FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA nitong Biyernes tungkol kay Deborah Sun na si Sen. Lito Lapid pala ang dahilan kung bakit siya nakapasok ng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Ikinuwento ito ni Deborah kina Ara Mina at Julius Babao sa nakaraang vlog ng huli nang ipakita ang renovated condo unit nilang mag-iina sa Cubao, Quezon City.
Nagpapasalamat ang beteranang aktres sa hubby ni Tintin Bersola-Babao dahil na-feature siya sa “Unplugged” YouTube channel nito dahil nagkaroon ng update tungkol sa kanya at marami ring blessings ang dumating.
“Julius talagang ang laking tulong sa akin,” sabi ni Deborah.
Sabi rin ni Ara, “And because of your vlog nakita na siya na, ‘ah okay pala si Deborah puwede na nating kunin (project)’, kasi pag pini-pitch ko siya (inaalok sa production) wala akong mapakitang footage, eh.’
“Alangan namang sabihin kong, ‘tita Debs, mag-video ka. Ha-hahaha! Mag-VTR ka.’ Kasi puro ‘yung past (super payat pa) ang napapanood nila kaya itong vlog mo is nakaka-help to inspire people na magkaroon ng second chance,” sabi ni Ara.
In fairness, itong latest video ni Deborah ay umabot na sa 476,000 and still counting in just 2 days.
“At dahil do’n nasa Batang Quiapo ka na at natupad ‘yung ating pangarap, paano ka tinawagan?” tanong ni Julius.
“Lumapit din ako kay Senator (Lito) at napakalaking tulong sa akin ni Senator at ni Sen. Grace Poe nang magkita kami. At ipinakita sa akin ni Grace Poe sa cellphone niya na nag-message siya kay Cory Vidanes (COO ng ABS-CBN), hayan June 21 nag-text ako kay Cory Vidanes at sinend pa sa akin ‘yung picture mo ni Tito Pempe (Pen Medina),’” kuwento ng aktres.
At nang marinig nina Ara at Julius ang pangalan ni Ms. Cory ay nagpasalamat silang dalawa sa pagtulong kay Deborah.
Pagpapatuloy ng aktres, “Siyempre nag-thank you ako kay Sen. Grace Poe pero siyempre matagal na ‘yun dahil June 21 pa siya nagsabi at nang makita ko si Sen. Lito (naisip ko), ‘ah ito na ang pagkakataon ko.'”
Naging emosyonal na naman ang aktres sa pagpapasalamat niya sa dalawang senador, kay Ms. Cory at sa bida at direktor ng “Batang Quiapo” na si Coco Martin, “At saka alam ko pinapahaba mo pa ang role ko. Ha-hahaha!”
Kinumusta naman ni Julius si Deborah sa muli nitong pagharap sa camera, “Siyempre (parang naninibago) kasi since 2012 pa ako huling umarte buti marunong pa akong umarte. Ha-hahaha!” sagot ni Yolly na karakter ni Deborah sa “FPJ’s Ang Batang Quiapo” na ex-wife ni Ronnie Lazaro bilang si Primo na tauhan naman ni Sen. Lito.
“Ang galing mo nga, eh,” puri ni Julius.
“Yung first day ko tuhog take one, thank you Lord,” kuwento ni Deborah at parehong napa-wow sina Julius at Ara kaya palakpakan sila.
Inamin din ni Deborah na sobrang nagpapasalamat siya sa second chance na ibinigay sa kanya ng showbiz through “Batang Quiapo” dahil makakakain na raw sila ng masarap-sarap dahil nga noong wala pa siyang work ay super-tipid sila.
Kahit may monthly supply kasi sila ng groceries at bigas mula kay Ara ay hindi naman puwedeng iasa lahat ng mag-iinang Deborah ang mga gusto nilang bilhin.
Ang isa pang wish ni Deborah sa sarili ay makaipon siya para makabili siya kahit second hand na kotse para puwedeng ipang-Grab na may prangkisa na para kapag nawalan siya ng trabaho ay may pagkukunan sila ng pang-araw-araw
Tanong nga raw ni Sen. Lito kung sino ang magda-drive, “Ako, kaya kong mag-drive, ni-renew ko nga ang lisensiya ko 10 years wala akong violation kasi wala akong kotse. Ha-hahaha!”
Dagdag pa, “E, nakakalimang taping days na ako (Batang Quiapo) sabi ni Sen. Lito, ‘O, hayan Deborah makakabili ka na ng kotse.’ Sabi ko, ‘ay hindi naman agad-agad siyempre (ipon muna), unless tatagal ako dito, senador?!’”
Sabi raw ng senador kay Deborah, “Sisikat ka ulit.”
Masaya pang ikinuwento ni Deborah na kapag naglalakad na raw siya sa ibaba ng condo building nila ay marami nang tumatawag ng Yolly at nagpapa-picture na rati raw ay wala. Pero sobrang natutuwa siya kasi napupuri ang pag-arte niya.
At higit sa lahat, “Thank you siyempre Coco siyempre with your approval nga. Coco Martin thank you so much anak, kung baga ikaw pa rin (final say) kahit pa nasabi ni Sen. Lapid siyempre isa ka sa nag-ano (pumayag) at sabi rin ni direk na napanood ni Coco kung baga nagustuhan niya ‘yung acting ko.
“Thank you, thank you sa inyong lahat na tumutulong sa akin, thank you, hindi ko na masabi (mga pangalan), kung baga buong mundo na tumutulong sa akin,” aniya pa.
Nasusubaybayan namin ang “FPJ’s Batang Quiapo” kapag replay nito sa YouTube at napakanatural pa ring umarte ni Deborah at hindi halatang natigil siya ng ilang taon.