Kim hirap na hirap gumanap ng may kabit: ‘Kalaban ko ‘yung sarili kong dignidad sa ipinaglalaban ng karakter ko’

Kim hirap na hirap sa 'Linlang': 'Kalaban ko 'yung sarili kong dignidad sa ipinaglalaban ng karakter ko'

Kim Chiu

IBANG-IBA ang ugali at personalidad ni Kim Chiu sa ginagampanan niyang role sa drama series na “Linlang” kasama sina Paulo Avelino, JM de Guzman at Maricel Soriano.

Kaya naman gusto lamang ipaalala ng Kapamilya actress at TV host sa lahat ng mga manonood na huwag siyang husgahan dahil lang sa mga karakter na kanyang ginagampanan.

Sa naganap na mediacon para sa “Linlang” kamakailan, mariing sinabi ni Kim hindi siya sang-ayon sa ginawa ng character niyang Juliana sa serye. Tinuhog kasi nito ang mga karakter nina Paulo at JM na gumaganap na magkapatid sa kuwento.

Kahit na asawa na niya si Paulo ay nagawa pa rin niyang patulan si JM kaya naman inaasahan na niya na maba-bash at kaiinisan talaga ng viewers ang mga pinaggagawa ni Juliana sa “Linlang.”

“Lahat po ng ito ay mahirap para sa akin dahil una, kinokontra ko pa ‘yung role ko rito. Kalaban ko ‘yung sarili kong dignidad sa pinaglalaban ng karakter ko.

Baka Bet Mo: Paulo nagpataba para sa ‘Linlang’ kaya nabawasan ang projects: ‘Tapos kailangan uli akong magpapayat para sa second part ng series’

“Kalaban ko ‘yung sarili ko, kailangan kong maniwala sa ginagawa ni Juliana. Si Kim Chiu kailangan niyang maniwala kay Juliana kung bakit siya naging ganoon,” pagbabahagi ni Kim.

“Parang ano kami opposite beliefs pero at the end of the day, I’m an actor and kailangan ko ‘tong gampanan, kailangan maniwala ‘yung mga tao sa pinapanood nila,” esplika pa ng girlfriend ni Xian Lim.


Ipinagdiinan din niya na super different si Kim Chiu kay Juliana at ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho bilang artista.

Baka Bet Mo: Kim natigalgal sa totoong sampal ni Maricel sa ‘Linlang’: ‘Siyempre galit na galit ako dahil tinuhog niya ang 2 anak ko’

“Sa mundo natin, mahirap nang ilayo ‘yung ikaw at ‘yung role na ginagawa mo. So minsan nakakalimutan ng mga fans natin or ng mga tao na actor or actress kami.

“Isa ito sa trabaho namin na mag-deliver ng ibang pagkatao bukod sa sarili naming pagkatao,” paliwanag pa ng aktres.

Feeling naman namin ay maiintindihan ng madlang pipol kung bakit tinanggap ni Kim ang nasabing proyekto kung saan first time niyang gaganap ng mature at daring role. Matatalino na ang viewers ngayon at knows na nila ang totoo sa akting lang.

Ang “Linlang” ay mula sa Dreamscape Entertainment at napapanood na ngayon exclusively sa Prime Video.

Read more...