Mismong ang direktor nilang si Mae Cruz-Alviar ang nagsabi na “the struggle is real” para kay Donny sa pagganap bilang isang binatang ginagawa ang lahat para mairaos ang pang-araw-araw nilang buhay.
Sa kuwento ng unang collaboration project ng ABS-CBN at Netflix, gaganap si Donny bilang si Bingo, isang sikat na online seller na rumaraket din ng iba’t ibang trabaho.
Pambubuking ni Direk Mae, sa pelikula nila natutong sumakay ng jeep si Donny na never nitong naranasan sa buong buhay niya.
“’Yung sa jeep na eksena, dapat nagmamadali kayo, so take, action! Si Donny, hinayaan lahat, pumila siya! Sabi ko, hindi ‘to pila,” ang pahayag ni Direk Mae sa grand mediacon ng “Can’t Buy Me Love” kagabi.
Pinaalalahanan ng Kapamilya director si Donny na kalimutan muna ang pagiging gentleman sa mga nasabing eksena, “Kasi masyado kang polite in real life, kapag ganyan in real life, dog-eat-dog world, nagmamadali ka.”
Tanong nga raw niya sa binata nang makita niyang hindi pa rin nito magetsing ang nasabing eksena, “First time mo bang sumakay ng jeep?” Na sinagot agad ni Donny ng, “Opo.”
“First time n’ya so nanibago talaga siya du’n,” aniya pa.
Samantala, first time namang gaganap na rich Chinese girl si Belle sa isang serye, “Until now, kinikilala ko pa si Caroline, but I did seven days of Hokkien classes and talagang in-immerse ko ‘yung sarili ko sa mga culture ng Chinese.
“Kasi ‘yung character nga ni Caroline dito she comes from a wealthy Chinese family so kami ni direk (Mae), parang date, nag-usap kami the whole day about Caroline lang,” sey pa ni Belle bilang bahagi ng ginawa niyang preparasyon sa serye.
Hirit naman ni Donny, “Kapag matatapos ‘yung day namin ni Belle, the more that we immerse ourselves in our environment kasi sobrang magkaiba ‘yung worlds naming dalawa.
“Kami rin ni direk, we scheduled an entire day, umikot kami ng Binondo, Divisoria. First time kong umikot with Direk. We just went around incognito kasama ‘yung team,” aniya pa.
Talaga raw in-encourage siya ni Direk Mae na obserbahan ang mga taga-Binondo at Divisoria kung paano sila magtrabaho at makisalamuha sa ibang tao.
“Kasi ang daming pagdadaanan ni Bingo sa series na ‘to kaya I want to make sure na alam ko rin ‘yung mga pagdadaanan ni Bingo at alam ko rin kung papaano sila magsalita. I also get a lot of help from my co-actors here – sina kuya Ketchup (Eusebio), Hyubs (Azarcon), si Anthony (Jennings),” sey pa niya.
Mapapanood na ang “Can’t Buy Me Love” sa Netflix simula sa October 13, 72 hours ahead of free TV and 24 hours before it’s shown on pay TV.