TILA nangangamba ang veteran actress na si Dolly de Leon ngayong nauuso na ang paggamit ng “artificial intelligence” o AI.
Sa isang interview with ABS-CBN News, sinabi ni Dolly na kailangang magkaroon ng “safeguard” o proteksyon para sa mga empleyado na posibleng mawalang ng trabaho dahil sa teknolohiya.
Nagbabala din ang batikang aktres na dapat mag-ingat ang show business dahil nagsisimula nang gumawa ng marka sa entertainment industry ang mga AI.
“Papunta na tayo ‘dun. We’re lagging behind, but I think it will happen,” sey ni Dolly sa panayam.
Dagdag pa ng FAMAS Best Supporting Actress, “Ngayon pa lang, may sportscasters na AI. Nangyayari na ‘yun. It’s something that we need to watch out for.”
Baka Bet Mo: Kylie Verzosa magiging unang Asian celebrity na may ‘AI’ model
Kung matatandaan, noong nakaraang buwan lamang nang ipinakilala ng GMA Network ang kanilang AI-generated sportscaster na pinangalanang sina Maia at Marco.
Ayon sa TV network, ang AI sportscasters ay nakatakdang magbigay ng pinakamalalaking balita sa NCAA Season 99, pati na rin sa updates ng local at international sports na tampok ang Pinoy athletes.
Nabanggit din ni Dolly na napansin niyang maraming tao ang humahanga sa kung ano ang pwedeng magawa ng AI.
Pero, aniya, kailangan din nating bantayan ito dahil bukod sa marami ang mawawalan ng trabaho ay pwede rin nito maapektuhan ang buong industriya.
“Kailangan nating bantayan. Huwag tayong mag-relax at matuwa masyado sa AI kasi that could mean lost jobs for the people,” sambit niya.
Sa kasalukuyan, nasa Estados Unidos si Dolly para sa premiere ng pinagbibidahan niyang revenge film na “A Very Good Girl” kung saan kasama niya ang award-winning actress na si Kathryn Bernardo.
Related Chika:
John Lloyd pinayuhan ni Iya: Ginalingan mo kasi masyado, pars, ayan tuloy…