Maricel sa mga artistang gustong magpasampal sa kanya: ‘Naku, huwag! Masisira ang mga mukha n’yo!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Maricel Soriano
HALOS lahat ng mga kabataang artista ngayon ay nangangarap na masampal ng nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano.
Itinuturing nang iconic sa Philippine Showbiz ang makatotohanang sampal ng award-winning actress sa mga nakakatrabaho niya sa teleserye at pelikula.
Sabi nga ng ilang celebrities na nasampal na ni Marya, hindi makukumpleto ang pagiging artista nila kapag hindi sila nasampal ni Marya.
Sa naganap na mediacon at special screening ng “Linlang” kamakalawa, October 2, natanong ang premyadong actres kung ano ang reaksyon niya na halos lahat ng artista ay nais magpasampal sa kanya.
“Naku, sabi ko, huwag! Masisira ang mukha niyo, sabi kong ganoon,” natatawang sey ng aktres.
Ani Marya, hindi niya kayang dayain ang mga sampalan scenes sa dahil unang-una dala niya ang matinding emosyon ng ginagampanan niyang karakter.
“Kasi, ano, siguro kung comedy madadalian ako, ‘yung hindi masakit. Eh, ganito ‘pag drama hindi ko magawa ‘yung i-control kasi ‘yung galit ko, lahat nandoon.
“Siyempre, nanay ka, dalawang anak mo tinuhog,” ang chika pa ng movie icon na ang tinutukoy ay ang sa kanyang karakter sa “Linlang”.
Sina JM de Guzman at Paulo Avelino ang gumaganap na mga anak niya sa serye na tinuhog ng role ni Kim Chiu sa kuwento.
Kasama rin ang veteran actress na si Ruby Ruiz sa “Linlang” na nagsabing na ramdam na ramdam nila sa set ang dedikasyon ni Marya sa kanyang trabaho.
“Nu’ng nakatrabaho ko ‘yung The Maricel Soriano, naririnig ko nga ‘yung sampal-sampal but after working with her, ‘yung unang eksena pa lang na nakaeksena namin siyang lahat, kasi nga di ba, sensationalized ‘yung sampal.
“But people should really see na siya sobrang totoo ang binibigay niyang emosyon at napakahusay ng pag-arte, almost ‘di nga umaarte parang hindi umaarte.
“So, ang consequence halimbawa kung ang emosyon, galit ‘yun ay kinakailangan ngang sampalin, nadadala lang ‘yung sampal. To date, she’s one of the most napakahusay na artista, walang kupas,” pahayag ni Ruby.
Mapangahas na mga karakter ang bibigyang buhay nina Kim, Paulo, at JM sa suspense-thriller series na “Linlang,” mula sa ABS-CBN at Dreamscape, na eksklusibong ipapalabas sa Prime Video sa Oktubre 5.
Iikot ang kwento ng serye kay Victor “Bangis” Lualhati (Paulo), dating boksingero na naging seaman, at sa kanyang pagtuklas ng katotohanan sa likod ng pagtataksil ng kanyang asawang si Juliana (Kim).
Sa pag-iimbestiga ni Victor kay Juliana, madidiskubre niya na hindi lang simpleng pangangaliwa ang ginawa nito.
Pero sa pag-ungkat niya sa katotohanan, mapipilitan siyang harapin ang mga pagkukulang niya at alamin ang halaga niya bilang lalaki at bilang asawa.
“Salamat sa tiwala and thank you to Prime for providing us a platform na maipalabas itong series na pinaghandaan talaga namin.
“Sobrang excited ako na mapanood siya worldwide,” pasasalamat ni Kim para sa pagiging parte niya sa panibagong collab serye ng ABS-CBN at Prime Video, pagkatapos ng “Fit Check: Confessions of an Ukay Queen.”
Makakasama rin sa serye sina Kaila Estrada, Jaime Fabregas, Raymond Bagatsing, Albie Casiño, Jake Ejercito, Heaven Peralejo, Adrian Lindayag, Race Matias, Benj Manalo, Lovely Abella, Frenchie Dy, Ross Pesigan, Hanna Lexie, Juno Advincula, Connie Virtucio, Lotlot Bustamante, Meann Espinosa, Danny Ramos, Bart Guingona, Marc Mcmahon, Anji Salvacion, at Kice.
Ito’y mula sa direksyon nina FM Reyes at Jojo Saguin.
Habang tinatahak ni Victor ang masalimuot na mundo ng pag-ibig, pagtataksil, at pagbabago, pipiliin ba niyang ipaglaban ang relasyon nila ni Juliana o gumawa na lang ng bagong landas para sa kanyang sarili?
Alamin sa bagong suspense-thriller series ng ABS-CBN na “Linlang,” na ipapalabas sa Prime Video, na available sa Pilipinas at sa mahigit 240 bansa at teritoryo sa buong mundo, simula Oktubre 5.