Legal na, ginusto pang maging iligal | Bandera

Legal na, ginusto pang maging iligal

Susan K - October 23, 2013 - 03:00 AM

LEGAL ang proseso ng pangingibang-bansa ni Jennifer Fernando nang tumulak ito patungong Dubai upang magtrabaho bilang household service worker noong Agosto 31, 2011.
Subalit makalipas lamang ang 28 araw roon ay bumalik si Jennifer sa kanyang principal agency sa Dubai dahil sa hindi raw magandang trato sa kanya ng amo.
Habang nasa Dubai ay  nakilala ng OFW ang isang recuiter na nag-alok sa kanya na magtrabaho sa Iran. Pinayagan naman umano si Jennifer ng kanyang ahensya na Al Jawhara Labour Supply na magtungo sa Iran, kahit na hindi dokumentado o magiging ilegal ang kaniyang pananatili roon.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay iligal na nagtatrabaho si Jennifer sa Iran dahil tourist visa lang ang taglay niya.
Dumulog sa Bantay OCW ang kanyang ina na si Elizabeth Fernando dahil hindi ngayon makauwi ng bansa ang anak.  Hindi kasi ito maisyuhan ng exit visa dahil hindi nito alam kung sino ang may hawak ng kanyang pasaporte.
Bukod doon, hindi rin kayang sagutin ng kanyang present employer ang penalty sa Iran Immigration.  Nagpasaklolo rin sa embahada ng Pilipinas na hatian siya sa gastusin sa mga babayarang penalty para lang makauwi.
Tumugon naman ang embahada sa pagsasabing: “Responsibilidad at kasalanan ito ng employer!”
Samantala, dalawang buwan na ring hindi pinapasahod si Jennifer ng kanyang employer.
Hinggil sa kasong ito, wala nang pananagutan ang lokal na ahensyang nagpaalis kay Jennifer patungong Dubai dahil pinili ng OFW na huwag umuwi sa bansa at magbakasakali na lang sa ibang lugar kahit pa iligal ang pagpasok niya sa Iran.
Kahit tinanggihan ng ating embahada ang employer ng ating kababayan na hatian ito sa mga babayaring penalty, ipinagbigay-alam pa rin ng Bantay OCW ang kasong ito at hinihintay na lamang ang magiging aksyon mula sa tanggapan ni Ambassador Martin Meñez.

Dati nang natulungan ng Bantay OCW si Edith Muyano ng Caloocan City nang mamroblema ang asawang OFW sa Saudi Arabia at sa bandang huli ay napauwi din sa Pilipinas.
Matapos ang ilang buwang pagbabakasyon, nagbalik-abroad si mister. Nagtungo ito sa Brunei.
Nang buksan ni Edith ang Facebook account ng asawa ay nakita niya ang status nito na “Got married to ….”
Pinagtatanggal na rin nito ang kanyang mga larawan at kanilang mga anak.
Gayong apat na buwan pa lamang ito sa Brunei, nagsasama na umano sila ng babae at inaaway pa siya kapag tumatawag ito sa kanya.
Sa galit ni Edith ay sinabi niyang magsusumbong siyang muli sa Bantay OCW upang ipaalam ang pinaggagagawa ng asawa doon.
Nang buksan niyang muli ang FB account ni mister, “complicated” na ang status nito at inalis ang naunang “Married to..” .
Nais na lamang ni Edith na maging regular ang suporta ng OFW sa pamilya dahil wala silang inaasahang pagkukuhanan ng kabuhayan.  Ayaw niyang magutom ang kanyang mga anak.
Sisikapin ng Bantay OCW na makausap nang personal si mister sa Brunei.

Nagpadala ng email si Rosalinda mula sa Singapore. Kakakasal lamang niya nitong nakaraang taon at nagbalak sana siyang umuwi na for good upang magsimulang magpamilya.
Ngunit nabalitaan niyang nakabuntis ang kanyang mister at gulong-gulo ang isip niya kung babalik pa ba siya at kung anong mangyayari sa kanilang relasyon ng mister.
Payo ng Bantay OCW, kung humihingi ng tawad ang asawa at handa naman siyang magpatawad, maaaring magsimula silang muli. Magiging bahagi na lamang iyon ng nakaraan. Pero palagi ng may kaakibat na pananagutan ang ating mga aksyon. Kaya asahan niyang may mga pagdurusa ang bawat pagkakasala.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending