SB19 Stell never makakalimutan ang eksena nang makasama ang BTS sa Korea: ‘Happy din daw sila na na-meet nila kami’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
SB19
HINDING-HINDI malilimutan ng dalawang miyembro ng award-winning super P-pop group na SB19 ang naging experience nila noon nang bumisita sa South Korea.
Doon kasi nila nakilala up close and personal ang kanilang idol na K-pop group na BTS, na sikat na sikat ngayon sa buong universe.
Ayon kay SB19 Stell, hanggang sa nabubuhay siya ay ite-treasure niya ang mga sandaling nakilala at nakasama nila nang personal ang BTS nang magpunta sila ng kagrupong si Josh Cullen sa South Korea.
“Yung experience na yon, hanggang ngayon, sobrang fresh pa rin sa utak ko,” ang pahayag ni Stell.
“Kasi nu’ng time na po na yon, starting pa lang sila noon na group. Yung song nilang ‘Danger,’ yun ang pinu-promote nila.
“And we were very lucky na kami yung Filipino cover group na ipinadala ng Philippines, at the time, to compete with other countries,” pagbabahagi pa ng isa sa mga coach ng “The Voice Generations” na napapanood tuwing Linggo sa GMA 7.
Dagdag pang pahayag ni Stell, “Super thankful din kami na pumayag yung management nila na ma-meet namin sila backstage.
“Sabi nila, happy rin sila na na-meet kami kasi kami raw yung first Filipino cover group na na-meet nila. So, we’re very happy, blessed, and very lucky,” kuwento ng binata.
* * *
Nagsimula na last Saturday ang pinakabagong true-crime anthology ng GMA na “Pinoy Crime Stories” kasama ang host na si John Consulta.
Mula sa award-winning team ng GMA Public Affairs, tampok sa Pinoy Crime Stories ang malalaki at kontrobersyal na krimen sa bansa gaya ng online crime, slavery, murder, robbery, trafficking, kidnapping, abduction, rape, at marami pang iba.
Hindi na bago si John sa crime beat. Sa loob ng 15 taon bilang reporter, tinutukan niya ang police beat at ibang law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency, at Bureau of Immigration.
Napapanood din si John bilang isa sa mga host ng GMA flagship documentary program na I-Witness at isa sa mga GMA Integrated News’ senior correspondents.
“Dito sa Pinoy Crime Stories, tututukan natin ang bawat kaso, mula sa imbestigasyon hanggang sa paglutas nito. May mga interview sa crime investigators, witnesses, suspects, pati na rin mga biktima.
“Magkakaroon din tayo ng mga makatotohanang dramatization ng bawat kasong pinag-uusapan at sinusuri sa bawat episode,” ani John.
Sa unang episode ng “Pinoy Crime Stories,” natunghayan ang imbestigasyon sa murder case ng 85 anyos na babaeng natagpuang patay sa kanyang tahanan sa Parañaque.
Sa naging imbestigasyon, tinukoy ang male helper bilang “person of interest” ngunit napalaya rin siya dahil sa bagong suspect na sa kalaunan ay umaming sangkot sa kaso.
Abangan ang “Pinoy Crime Stories” tuwing Sabado, 4:45 p.m. sa GMA at Pinoy Hits.