Si Stell ang main choreographer ng pinakasikat ngayong boy group sa bansa na kilala na rin sa iba’t ibang panig ng mundo kaya naman marami ang nagtatanong kung paano binago ng SB19 ang kanyang buhay.
Sa pagbisita ni Stell sa “Fast Talk with Boy Abunda” ay naibahagi nga niya ang mga changes at challenges na hinaharap niya at ng kanyang mga kagrupo ngayong tinatawag na silang internationally-acclaimed boy group.
Pahayag ni Stell, “Ang best po (na nangyari), siyempre, ito kumikita and, siyempre, we can provide for our family. Nakukuha namin ‘yung gusto namin, siyempre, may mga need and wants din po kami.
“But ang kabaligtaran po noon, siyempre, dahil nga nakikilala kami mas wala po kaming time with our family.
“So, hindi namin sila masyadong nakikita, hindi namin sila nakakasama, especially now na nakatira kami dito na sa area na malapit and para malapit na sa work and hindi na kami ma-hassle,” pag-amin ng binata.
Isa pa sa mga limitations na kailangan nilang isaalang-alang ay ang paglabas-labas at pamamasyal sa mga public places, tulad ng mga shopping malls.
“Other thing po is wala na po kaming freedom to go outside. Hindi naman kami malabas talaga pero yung simpleng pagmo-mall sana po na gusto naming gawin, hindi na po namin talaga magagawa.
“Kasi, may mga instances po talaga na may mga taong nakakakilala. Okay lang sa amin ‘yun, pero minsan po talaga kasi nadudumog and ayaw po naming mag-cause ng commotion sa isang lugar and maabala ‘yung mga tao. So, we choose to stay na lang sa bahay,” ang punto pa ni Stell.
Samantala, siniguro naman ng binata ma kahit may mga solo projects ang mga miyemrbo ng SB19 ay hinding-hindi mabubuwag ang grupo.
“Open po sa amin na tumanggap ng solo projects basta hindi po nababangga yung schedule ng grupo. Kasi ang sabi nga po namin, ayaw naming nakakahon kami nang lima lang. And we know na each one of us, may gustong i-pursue.
“So, bakit namin siya pipigilan na i-pursue kung ano yung gusto niya, e, du’n siya maggo-grow?” sey pa ni Stell.