Jean Garcia may technique kapag nanampal: ‘Ang sinasabi ko sa kaeksena ko ‘wag gagalaw, kapag umilag kasi tatamaan sa tenga, masakit!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Jean Garcia
MAY technique pala ang award-winning Kapuso actress na si Jean Garcia kapag kailangan niyang manampal ng mga kaeksena sa teleserye at pelikula.
Tatlong dekada na si Jean sa mundo ng showbiz at hanggang ngayon ay aktibung-aktibo pa rin siya sa larangan ng pag-arte, lalo na sa mga drama series ng GMA 7.
Sa nakaraang guesting ni Jean sa “Fast Talk with Boy Abunda”, naikuwento niya ang kanyang istilo kapag gumaganap siyang kontrabida at kung paano niya pinaghahandaan ang mga confrontation scenes lalo na ang mga sampalan.
Ayon kay Tito Boy, grabe ang paghanga niya kay Jean bilang artista dahil kering-keri nitong maging bida at magkontrabida.
Sey naman ni Jean, sa 30 years niya sa showbiz industry, never nawala ang pagmamahal at ang kanyang passion sa acting.
“Kung ano ang ibinibigay nilang role sa akin, pinag-aaralan ko ‘yon,” sey ni Jean na gumaganap na nanay ni Barbie Forteza sa latest Kapuso primetime series na “Maging Sino Ka Man” kasama si David Licauco.
Para kay Jean ang pagiging kontrabida ang pinakamasarap gawin bilang aktres, “Kasi exciting siya. Puwede mo siyang paglaruan.”
At pagdating nga sa mga sampalan scenes, ingat na ingat daw siya dahil ayaw niyang masaktan ang co-actor niya.
“Unang-una dapat wala kang accessories. Kailangan tatanggalin mo kasi ayaw mong aksidenteng masasaktan mo sila.
“Tapos kailangan sukat mo. Kasi hindi naman pupuwede kapag sinampal ka, dito, masakit ‘yon,” ani Jean sabay turo sa mukha ni Tito Boy.
“Masakit din sa kamay mo kasi para kang nanuntok, eh. So dapat, ang sampal, ito (dampi sa mukha). So dapat, sukat mo yan,” aniya pa.
Dagdag pa ni Jean, “Ang sinasabi ko lang sa co-actor ko, ‘wag kang gagalaw, ‘wag mong i-expect yung aking sampal. Kasi pag in-expect mo ‘yung sampal ko, kapag nauna ‘yung ilag mo, tatamaan ka sa tenga, masakit.”
Aniya pa, may mga pagkakataon na iniiba niya ang timing ng pagsampal sa eksena niya na wala sa script para mas maging natural ang reaksyon ng artistang sasampalin niya.
Inamin din ni Jean na kahit beterana na siya sa showbiz ay takot din siyang masampal sa eksena.