IPINALIWANAG ni Sen. Pia Cayetano, kasama ang kapatid na si Sen. Alan Peter at TV host na si Boy Abunda, ang mga alituntunin sa mga joint bank account.
Sa segment na “Payong Kapatid” sa episode nitong September 3, dumulog ang ginang na si Erlinda Gomez sa programa upang humingi ng tulong tungkol sa joint bank account nila ng yumaong kapatid na si Priscilla.
Ang nasabing account ay na-freeze dahil diumano’y sinusubukang kunin ng mga anak ni Priscilla ang kalahati ng laman ng account.
“Obligasyon po ng bangko ‘yan na pagkaingatan ang pondo na nasa account, lalo na pagka may namatay. Kasi pag may namatay at joint account ‘yon, or minsan nga kahit hindi ‘yan joint [account], ifi-freeze talaga ‘yan,” pagpapaliwanag ni Senador Pia.
“Minsan sampu [ang] anak, minsan may asawa [tapos[ meron pa palang dating asawa, maraming ganong sitwasyon,” aniya pa.
Baka Bet Mo: 2 empleyado ng bangko na pauwi na mula sa trabaho biglang ipinag-shopping ni Vice Ganda: #SanaAll!
Ibinahagi rin ni Erlinda na ang kapatid nilang si Yolanda na nasa Amerika ang nag-utos sa kanila upang magbukas ng joint account para sa kanilang mga pangangailangan. Para kay Erlinda, si Yolanda ang tunay na may-ari ng account dahil sa kanya galing ang pera.
Ngunit sabi ni Sen. Pia, “Ang practice ngayon ng bangko pag merong joint account, kinikilalang may-ari ng pera na ‘yan ay kung sino ‘yung nasa joint account.”
Ayon sa senadora, nasasaad sa batas na kailangang i-check mabuti ng bangko kung sino ang mga tunay na heredero ng mga may-ari ng account.
“Ang pagpi-freeze na ‘yan, hindi dahil kukunin ng bangko pero ‘yan ay temporary lang para ‘yun nga, walang gumalaw. At habang naka-freeze ‘yan, ngayon natin ibibigay ang pruweba sa bangko na ‘ito po ang tamang kailangang pagbigyan ng bank account,” sabi niya.
Sa pagtatapos ng naturang segment, nakumbinsi si Erlinda na kailangan niyang magpakita ng mga ebidensya sa korte na si Priscilla ang nagmamay-ari ng pera na nasa account, katulad ng kanyang patuloy na iginigiit.
Nangako naman ang programa na tutulungan siya sa paghahanda ng mga sulat at dokumento na kailangan para sa kanyang kaso.
“I hope nakapagbigay-liwanag tayo about a very basic thing [such] as joint bank accounts. Basic siya pero you have to know the law and protect yourself… that’s what we’re here for,” saad ni Pia sa pagtatapos ng episode.
“It feels rewarding to be able to help, maybe not always ‘yung taong nangangailangan but hopefully millions of people who are watching, may matutunan at maproteksyunan din ang sarili nila,” dagdag niya.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Sen. Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang “Compañero y Compañera” noong 1997 hanggang 2001.
‘Wag palampasin ang “CIA with BA” tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA 7.
Related Chika: