KNOWS n’yo ba na na-in love nang bonggang-bongga sa kanyang teacher noong nasa elementary pa lang ang Kapuso Action-Drama Prince na si Ruru Madrid?
Yan ang naichika ng binata sa ilang members ng entertainment media sa naganap na presscon kahapon ng kanyang pelikula under Viva Films and GMA Pictures, ang romcom movie na “Video City” kasama si Yassi Pressman.
Tungkol sa pagta-time travel sa past ang movie nina Ruru at Yassi kung saan usung-uso pa ang pag-rent o pagbili ng video (VHS tapes at VCD). Isa nga sa sikat na rentahan noon sa Pilipinas ay ang Video City lalo na noong dekada 90.
Kaya naman naibahagi ni Ruru sa presscon yung panahon kung saan niligawan niya ang kanyang guro pagtungtong niya ng Grade 5.
Natanong kasi sila ni Yassi kung sino ang taong nais nilang balikan in the past kapag nabigyan ng chance na makapag-time travel.
“‘Yung sa akin po, teacher ko nu’ng grade 5 tapos nililigawan ko siya talaga. As in, totoong ligaw, like nag-iipon ako ng pera tapos reregaluhan ko siya ng bulaklak, tapos nu’ng sinabi niya sa akin, ‘Sorry, I’m taken. Ikakasal na ako,’ nawalan na ako ng hope,” chika ni Ruru.
Umabot din daw ng isang linggo ang panliligaw ng Kapuso hunk actor sa kanyang teacher, “Niligawan ko siya ng mga one week, every day pinapadalan ko siya ng bulaklak.
“Tapos biglang nu’ng last day na, sakto kaming dalawa na lang naiwan sa room namin, kasi ako ‘yung nag-aalalay sa kanya, ako ‘yung nagdadala ng bags ganyan,” pag-alala pa ni Ruru.
“Nu’ng kami na lang naiwan (sa room) tinapat ko na siya. Sabi ko, ‘Ma’am, ma’am pwede bang maging tayo na? Kasi isang linggo na akong nanliligaw sa ‘yo.’ Tapos bigla niyang sinabi, ‘Sorry, I’m taken,'” kuwento ng aktor.
Paglalarawan naman ni Ruru sa kanyang teacher, “Bukod sa sobrang ganda niya, sobrang simple niya rin kasi, parang maganda siya pero hindi niya alam na maganda siya. Ganu’n siya.
“Tapos, kahit ipinapakita ko sa lahat ng tao na crush ko siya, ini-entertain niya, ‘yung parang hindi niya ako pinapahiya, hindi niya pinaramdam sa akin na bata ako at ilang taon na siya.
“Never niyang pinaramdam ‘yun. Parang para sa akin, pantay kami, teacher ko siya, estudyante niya ako, pero hindi niya pinaramdam na mas matanda siya sa akin,” pag-alala pa niya.
Sa ngayon ay super happy na si Ruru sa piling ng kanyang girlfriend na si Bianca Umali.
Samantala, ngayong panahon na ng video streaming, parte na lang ng nakaraan ang Video City at VHS tapes, pero muli nga itong bubuhayin ng Viva Films at GMA Pictures sa isang romantic comedy na pelikulang pagbibidahan nina Yassi at Ruru.
Ipakikita ng pelikulang “Video City” ang kwento ng isang film student na magta-time travel sa dekada 90 kung saan makikilala niya si Ningning, ang babaeng magpapabago ng kanyang buhay.
Hindi na makapaghintay si Han na maging isang tunay na direktor tulad ng kanyang ina na laging pinararangalan para sa kanyang iconic na pelikula. Pero bago ang lahat, kailangan matapos ni Han ang kanyang thesis na hirap siyang gawin sa kasalukuyan. Marahil malaking epekto sa kanya ang pagiging bedridden ng kanyang ina.
Matapos ang isa na namang tribute event para sa kanyang ina, pumasok si Han sa isang lumang internet café. Nakakita siya rito ng isang VHS tape rewinder na siya naman niyang pinaglaruan. Makalipas ang ilang sandali, nag-iba ang kanyang paligid at nakita niya ang sarili sa taong 1995. Ang pinasukan niyang café ay isa nang Video City.
Ang video attendant na si Ningning ang umasikaso sa kanya, at nabighani siya agad sa personalidad nito. Sa pagbabalik niya sa kanyang panahon, nagdesisyon si Han na hindi ititigil ang pagta-time travel para mas makilala pa si Ningning na isa ring movie lover. Sa katunayan, pangarap nitong maging artista pero hindi nakakapasa sa mga audition.
Habang mas nakakasama ni Han si Ningning, lalo siyang nai-inlove sa kanya. Pero sa bawat araw na bumabalik si Han sa nakaraan, paikli nang paikli ang oras niya na manatili dito. Kaya naman gusto ni Han na malaman kung saan niya matatagpuan si Ningning sa kasalukuyang panahon. Meron kayang kinabukasan para sa kanilang dalawa?
Ang “Video City” ay mula sa direksyon ni Raynier Brizuela, na siya ring nagdirek ng “Mang Jose” ni Janno Gibbs at ng seryeng “Puto” nina Herbert Bautista at McCoy de Leon.
Ayon kay Direk Raynier, ang konsepto ng pelikulang ito ay mula sa sarili niyang karanasan. Noong walong taong gulang siya ay nanghihiram siya sa Video City sa malapit sa kanilang bahay at mayroon doong isang staff na matiyagang nagtuturo sa kanya ng mga pelikulang pwedeng mahiram hanggang tatlong araw.
Aniya, “Laking Video City talaga ako. Medyo crush ko si ‘Ate.’ Eventually noong high school na ako, na-realize ko na kaya ako na-in-love sa pelikula, isa siya sa factor. Sabi ko, what if mag-time travel ako at balikan ko si Ate.
“Doon nagsimula ang idea ng ‘Video City.’ What if ma-meet ko ulit itong tao na naka-connect ko before, ang taong nag-inspire sa akin na gumawa ng pelikula?” aniya pa.
Si Yassi ay pinanganak noong 1995, at 1997 naman si Ruru, pero naabutan pa rin nila ang paghihiram ng mga pelikulang nasa CD format sa Video City. Ito ang paboritong bonding moment nila kasama ang kanilang pamilya noon.
Kaya nang inalok ang pelikula kay Yassi, agad siyang na-excite gawin ito. Aniya, “This was one of the stories that I fell in love with on the same day (of the pitch), sinabi ko na “Okay, gusto ko pong gawin ‘yan.”
Sampung taon na ang lumipas nang huling nagkasama sina Yassi at Ruru sa Party Pilipinas, Dormitoryo, at Sunday All Stars sa GMA, pero masayang binalita ni Yassi na nanatiling “humble” si Ruru tulad ng una niyang pagkakakilala dito.
Bukod pa rito ay nakita niya sa kanilang workshop na “very hungry at very passionate” si Ruru sa kanyang trabaho. “Nakaka-excite na ibigay (namin) ‘yong all namin,” aniya.
Masaya rin si Ruru na makasama si Yassi dahil laging nakangiti ang dalaga. Aniya, “Every time na pumasok siya sa kwarto, mabibigyan niya ng kulay ang kwarto na ‘yon.”
Sa tanong kung paano nila bubuuin ang kanilang chemistry, sagot ni Ruru, “Once na ibigay lang ‘yung puso sa bawat eksena na ginagawa namin, ‘yung chemistry kusang lalabas po ‘yon.”
Dagdag ni Yassi na hangga’t nandoon ang “honesty” sa kanilang pagganap ng kanilang karakter ay “may magic na mangyayari,” at mararamdaman ito ng mga manonood.
Tunghayan ang “magic” na hatid ng “Video City” (Be Kind. Please rewind.) Kasama sina TJ Valderrama ng gumaganap bilang si Jepp (Video City attendant), Dennis Padilla sa papel na café attendant, Chad Kinis bilang Boss ni Ningning, Bodjie Pascua bilang thesis adviser ni Han, Suzette Ranillo bilang ina ni Han, Soliman Cruz bilang ama ni Han, Yvette Sanchez at Ashley Diaz na gumaganap bilang mga kaklase ni Han.
Showing na ito sa mga sinehan nationwide simula sa September 20.
Ina ni Lee Ji Han may ‘nakakawasak’ na sulat para sa anak na namatay sa Itaewon Halloween party
Stand-up comedian at dating co-host ni Amy Perez sa ‘Face To Face’ pumanaw na