Mr. M walang masabi sa powers ni SB19 Stell: ‘Kapag kumanta siya, pati paggalaw niya, that’s a star!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Johnny Manahan at SB19 Stell
“WALA akong masabi, wala akong mapintas!” Yan ang binitiwang mga salita ng star maker na si Johnny Manahan sa member ng SB19 na si Stell.
Nagbabalik si Mr. M sa larangan ng pagdidirek sa pamamagitan ng unang Asian franchise ng hit talent competition na “The Voice Generations” na napapanood sa GMA 7.
Makalipas nga ang ilang taon, muling tinanggap ni Mr. M ang hamon na maidirek ang nasabing reality talent show ng Kapuso Network hosted by Dingdong Dantes.
“It’s been three years, four years maybe, na hindi ako humahawak ng any kind of TV show or movie. When the opportunity presented itself, I felt happiness. Salamat,” ang pahayag ni Mr. M sa panayam ng GMA.
Ito rin ang unang pagkakataon na maididirek niya ang nag-iisang Kapuso Primetime King sa isang show at hangang-hanga raw siya sa galing at talento nito pagdating sa hosting.
“I knew Dong to be a really fine actor. Sinusudan ko ‘yung mga teleserye niya. Ako naman ang nagulat na I think he’s one of the finest hots that you could have nowadays,” pahayag ni Mr. M.
Super impressed din daw siya sa isang coach ng “The Voice Generations”, at yan ay walang iba kundi ang member ng super P-pop group na SB19 na si Stell.
Ayon sa kilalang star builder, iba raw ang datingan ni Stell lalo na kapag nag-share na ito ng kanyang mga idea sa show bilang coach at nakipag-banter na sa mga kapwa niya judge na sina Chito Miranda, Billy Crawford at Julie Anne San Jose.
“‘Yung presence niya, presence lang, talbog na ako. Wala na ‘kong masabi, wala na ‘kong mapintas. Kapag kumanta siya, paggalaw niya, that’s a star. Star si Stell,” ang paglalarawan ni Mr. M kay Stell.
Sa mga hindi pa aware, unang napanood ang franchise ng “The Voice Generations” sa Australia at ngayon nga ay humahataw na sa Pilipinas nang dahil sa GMA.
In fairness, napakainit ng naging pagtanggap ng mga manonood sa pilot episode ng “TVG” kaya naman mabilis itong naging top trending topic sa social media.
Naging top trending topic sa X (formerly known as Twitter) ang official hashtag ng pilot episode na #TVGWelcomeToMyTeam, habang umabot naman sa mahigit kalahating milyon ang video posts gamit ang parehong hashtag sa TikTok.
Patuloy na tutukan ang “The Voice Generations” every Sunday, 7 p.m. sa GMA.