Direk Adolf Alix balak i-shoot sa EDSA ang ‘Karnabal’ nang walang ‘cut’ sa loob nang mahigit 1 oras: ‘Lahat ng eksena one take lang’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Gina Alajar, Adolf Ali, Jr. at Edgar Allan Guzman
NGAYON pa lang ay curious na kaming malaman kung paano mapu-pull off ni Direk Adolf Alix, Jr. ang “no cut, one take” shoot para sa latest movie niyang “Karnabal.”
Kukunan ang buong pelikula nang tuloy-tuloy sa isang location sa loob lamang ng mahigit isang oras at kalahati nang walang putol at walang cut.
Sa naganap na storycon at cast reveal para sa “Karnabal”, ipinaliwanag ni Direk Adolf kung paanong atake ang gagawin niya sa pagbuo ng bago niyang pelikula na pagbibidahan nina Edgar Allan Guzman, Gina Alajar, Jaclyn Jose at Ricky Davao.
“Yung concept kasi, parang mas exciting siyang gawing ganu’n. Because parang sabay lang yung emotion ng character niya tapos yung buong ensemble, na maramdaman mo rin kung anong nararamdaman ng character niya na walang putol.
“Excited kasi ako as a director du’n sa performances ng artista, like paano siya nagwo-work. Interesado ako makita na kung walang putol, paano masu-sustain for example ni EA. Yung ganong dynamics ang sarap lang niya panoorin,” simulang pagbabahagi ng premyadong direktor.
Kung ikukumpara sa mga past movies niya, ibang-iba raw ang “Karnabal”, “Ang pinakakakaiba lang siguro dito sa pelikulang ito ay isu-shoot namin siya ng isang take. Yung tuhog, walang putol.
“Yung actual one hour and 45 minutes we shoot nang walang putol. Medyo challenging pero kaya sila nandiyan tutulungan nila ako mai-mount yung pelikula.
“Maganda rin kasi na habang nag-a-attempt siya umakyat sa billboard, makikita niyo kaya Karnabal yung title kasi parang iba-ibang points of view ng mga nanonood, ng reporter, nu’ng mga kasama niya sa trabaho, yung wife niya.
“So parang doon iikot yung kuwento. So para kayong totoong nanonood ng isang lalaking biglang umakyat sa billboard,” aniya pa.
Tungkol naman sa kuwento ng “Karnabal”, “In a nutshell, alam ko marami na sa inyong nakakaalam ng kuwento tungkol sa mga biglaang umaakyat sa billboard tapos nagkakagulo.
“Siyempre iba-iba sila ng rason sa pag-akyat ng billboard. Minsan nagkakuwentuhan kami ni EA kasi magkasama kami ngayon sa isang series.
“Tapos yung huli naming pinagtrabahuan together yung ‘Coming Home’ kasama si Ms. Sylvia Sanchez. Sabi ko gusto ko rin gumawa ng pelikula na medyo kakaiba. Naalala ko lang yung concept namin ni Fudge de Leon na isang writer na matagal na rin namin hinahanap ng kung sinong puwedeng gumawa,” dagdag niya.
Balak ni Direk Adolf i-shoot sa isang bahagi ng EDSA ang pelikula, “Siyempre hindi natin mapipigil kasi it’s an open space. Magagamit din I think. Yung magic ng improvisation, malay mo may biglang bumaba, lumapit, makitulong, makigulo.
“So I think those moments kailang ma-discuss din. I think makakatulong din siya du’n sa feeling. Maganda rin siyang exercise,” chika ni Direk.
Bago ang actual shoot, magsasagawa ng rehearsal ang buong cast at production staff, “One day (rehearsal) pero may meetings na before and on the location itself.
“Naayos na namin yung logistics masasabi na namin kung paano. Siyempre mas mahirap dahil may heights. Actually mas mahirap yung pre-prod kasi pinag-uusapan namin yung SWAT, yung rehearsal ng SWAT.
“Kasi puwedeng wala muna sila sa rehearsals namin, yung parang pagpasok nila alam na nila yung gagawin para mas efficient. Kasi may rescue (scene) also,” aniya pa.
Ang “Karnabal” ay mula BC Entertainment at nakatakdang ipalabas bago matapos ang taon.