Bong Revilla kering-keri pa ring makipagbakbakan: ‘Dati chubby ako pero ngayon mas lean, mas may cut at may abs’

Bong Revilla kering-keri pa ring makipagbakbakan: 'Dati chubby ako pero ngayon mas lean, mas may cut at may abs'

Lani Mercado at Bong Revilla

IPINAGMALAKI ni Sen. Bong Revilla na kering-keri pa rin niyang sumabak sa fight scenes at iba pang maaaksyong eksena sa edad na 56 (turning 57 sa September).

Ayon sa actor-public servant siya pa rin ang gumagawa ng mga stunt niya sa kanyang mga programa sa GMA 7, ang huli nga ay ang katatapos lang na weekly romcom-action series na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.”

Nakachikahan namin kamakailan ang senador para sa finale presscon ng naturang Kapuso program kung saan napag-usapan din ang pagse-celebrate ng kanyang 50th anniversary sa showbiz.


Natanong siya kung anu-ano ang maituturing niyang highlight sa kanyang showbiz career sa nakalipas na 50 years,
“Ang gusto ko talagang highlight ng career ko is yung first na nagbida ako. That was 40 years ago.

“Kaya ang pinagpilian diyan eh, yung 40 years in showbiz na nagsimula kang magbida or 50 years na extra ka pa lang noong bata ka pa. Sabi kung kailan ka unang lumabas sa puting telon sa sinehan which is 1973,” pag-alala ni Sen. Bong.

Unang lumabas bilang extra ang aktor noong pitong taong gulang pa lang siya sa pelikulang “Tiagong Akyat” noong 1973, na pinagbidahan ng ama niyang si Ramon Revilla, Sr. katambal si Aurora Salve.

Sinundan ito nang gumanap siya bilang batang Ramon Revilla, Sr. sa “Bianong Bulag” na ipinalabas noong 1977. Hanggang sa i-launch na siya sa “Dugong Buhay” (1983) na isinulat at idinirek ni Carlo J. Caparas.

Baka Bet Mo: Bong Revilla biglang isinugod sa ospital, Lolit Solis nag-alala: Scary ang dating sa akin ng balita

“Ekstra-ekstra pa lang ako noon, yung manonood ka, dadaanan ka lang ng camera. Ang daddy ko talaga, bata pa lang kami, talagang ini-involve na niya kami sa ganyan.

“O siguro, nagtitipid yung tatay ko kaya kaming mga anak niya ang ginagamit niyang mga bata-bata,” pagbabalik-tanaw pa ng senador.

Kailan niya na-feel na gusto talaga niya ang mag-artista, “Talagang ano yan, e, it’s in the blood. Kaya bata pa lang, yung lukso ng dugo mo talaga, showbiz, e.

“Actually yung sa public service, dumating na lang yan nung nasa showbiz na ako.


“Kung talagang pinangarap ko yun, sana, e, nag-abogado ako o ano, di ba? Pero hindi, e. Showbiz talaga. Showbiz talaga ang aking first love,” dagdag pa niya.

Samantala, hindi rin daw siya nagpapa-double sa mga buwis-buhay na action scenes, “I’m not getting any younger. But I can still do fight scenes. I can do my stunts. Yung suntok ko na mabilis ganu’n pa rin.

“Sa tingin ko nga mas fit ako ngayon than before. Dati chubby ako pero ngayon mas lean, mas may cut and mas may abs,” pagmamalaki pa ni Bong.

Ano naman ang wish niya para sa darating niyang birthday at anibersaryo sa showbiz? “Sa lumipas na 50 taon na ako ay kabilang sa ating industriya, wala na yata akong mahihiling pa.

“Lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon sa lahat ng biyaya na pinagkaloob niya sa akin at sa aking pamilya.

“Hindi ko maabot ang lahat ng ito kung di dahil sa Kanya, kasama rin lahat nagtiwala sa akin – sa mga producers, directors, production staff, mga stuntman, mga kapwa artista, at lahat ng ating mga naging tagahanga. Maraming, maraming salamat po,” mensahe pa ng senador.

Samantala, kasabay nga ng pagdiriwang ni Sen. Bong ng ika-57 kaarawan sa September 25 sa Okada Manila, ay ise-celebrate rin ang golden anniversary niya sa showbiz.

Magsasama-sama doon ang mga Kapuso at Kapamilya stars na nakatrabaho niya sa loob ng limang dekada.

Alexa Ilacad ibinuking ang sikretong talento ni KD Estrada; Kering-keri niyang gayahin si….

Bela kering-keri ang ‘LDR’ nila ng Swiss BF: Nu’ng makilala ko siya ang dami kong natutunan

Read more...