BJ Forbes sumuko agad sa politika, anak hindi pa rin makapagsalita at makapaglakad; relate much sa pelikulang ‘The Special Gift’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Lawrence Roxas,Franchesco Maafi, Roy C. Gomez at BJ Forbes
UMAYAW na agad ang dating child star na si BJ “Tolits” Forbes sa mundo ng politika na nagsisilbi ngayon bilang Sangguniang Kabataan (SK) Angono Federation President.
Iyan ang diretsahang inamin ni BJ nang makachikahan ng showbiz press sa ginanap na mediacon ng bago niyang pelikula, ang inspirational family drama na “The Special Gift”.
Ayon kay Tolits, ayaw na muna niyang mag-politics ngayon at mas gusto raw niyang balikan ang kanyang showbiz career at ipagpatuloy ang pagiging aktor.
“Hindi po ako tatakbo this coming election dahil hindi po talaga siguro ‘yun ang gusto ng puso ko. Dahil po nasa puso ko ‘yung pagtulong. Nasa puso ko po ‘yung pagseserbisyo sa tao pero kapag kasi pumapasok na ‘yung ibang elemento ng politika…
“Nandiyan po ‘yung mga kasamahan natin na nakikita natin ‘yung ginagawa. Nandiyan po ‘yung mga tao na hindi ka naiintindihan, na tao ka lang din at hindi nila nabili ‘yung pagkatao mo kapag ika’y nakaupo.
“So ‘yun po ‘yung mga gusto kong iwasan at ayokong lalo na po meron nga akong anak na kailangan kong bigyan ng focus,” litanya ng batang ama.
“Ayaw ko po ng mga negative thought kaya po lalayo muna ako sa politika. And I think kaya ko naman tumulong kahit wala po ako sa posisyon.
“But if given a chance na makapag-full time po ulit sa showbiz, I’m very thankful kung mabibigyan po ng pagkakataon na mailabas po and this time hindi na ako ‘yung batang si Tolits.
“Mas kaya ko nang ihayag kung ano talaga ako, kung ano talaga ‘yung kaya kong gawin and kung paano ko i-handle ng tama rin ‘yung career ko po,” ani BJ na nakilala sa “That’s My Boy” segment ng “Eat Bulaga.”
Nagbigay din siya ng update tungkol sa kundisyon ng kanyang 4-year-old na anak — si Janela. Sey ni BJ, super nakaka-relate nga raw siya sa kuwento ng pelikula nilang “The Special Gift” dahil tumatalakay ito sa kuwento ng magulang at mga anak.
Sabi ni BJ, hanggang ngayon ay inaalam pa rin nila ng mga doktor kung ano talaga ang dahilan ng naranasang seizure at stroke, ng kanyang anak.
“She’s four years old and she’s a PWD dahil nu’ng one year old po siya ay nagka-seizure siya then na-stroke siya because of lack of oxygen sa kanyang utak. So it’s been three years na dealing and handling the situation of my child, my kid na hindi normal.
“Hindi siya nakakapaglakad, hindi siya nakakapag-talk because of the damage of the stroke. But for me hindi ko siya masasabi as disadvantage or hindi ko siya masasabi as talagang literal na pagkalugmok sa buhay or dagok sa buhay.
“It’s a blessing for me because ‘yun nga ‘yung istorya ko kapag tuwing kinukuwento ko is maraming taong nata-touch ‘yung buhay and siguro talagang alam ng Panginoon kung gaano ako kalakas kaya sa akin Niya ibinigay ‘yung pagsubok na ‘yun.
“So when it comes to special child, it’s very close to my heart. It’s very close to my old personal life experiences. So ayun po mahal na mahal ko ‘yung anak ko inspite of anything that happened,” ang pahayag pa ni BJ.
Samantala, iikot ang kuwento ng “The Special Gift” sa 10-year-old na batang lalaki na may slight autism, na ginagampanan ng Kapuso child star na si Franchesco Maafi. Isa siyang biktima ng bullying sa school na masidiskubre ng kanyang teacher.
Makakasama rin sa pelikula sina Soliman Cruz Mike Lloren, Malou Canzana, Migui Moreno, Ella Sheen, Romina Cauilan, Angelo Gomez at marami pang iba.
Produced by RC Gomez Entertainment Productions na pag-aari ni Roy C. Gomez, ang “The Special Gift” ay mula sa direksyon ni Lawrence Roxas.