Rayver Cruz nakaranas ng ‘first time’ kasama si Miss Universe Catriona Gray
By: Armin Adina
- 1 year ago
Catriona Gray at Rayver Cruz
MATAGAL na sa industriya ang Kapuso actor na si Rayver Cruz, sumalang na sa pag-arte sa mga pelikula at serye, at nagpakitang-gilas na sa pagsasayaw.
Sumabak na rin siya ngayon sa hosting, at kamakailan ay nalasap ang una niyang pageant, isang larangang iniiwasan ng maraming personalidad sa pangambang magkamali ala-Steve Harvey.
Sa muling binuhay na Miss Manila pageant na itinanghal noong isang buwan, walang iba kundi si 2018 Miss Universe Catriona Gray ang katuwang niya sa pagho-host.
“She’s very kind, and very helpful. Sabi ko naman first time ko iyon, naka-guide siya,” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam sa “Ball Like A Panda: 3×3 Basketball Tournament” na ginawa ng Foodpanda sa Upper Deck sa Pasig City, at napanood online noong Hulyo 23.
“Hndi ko naman in-imagine na darating ang araw na makakapag-host ako ng isang pageant, Miss Manila pa, and alongside our Miss Universe, Miss Catriona Gray.
“Napakalaking blessing no’n and opportunity for me and I’m really, really thankful. And sana mas marami pang gano’n,” sinabi ni Cruz, na inaming nahasa ang hosting niya sa “The Clash” at “All Out Sundays.”
Ibinahagi rin niyang nakakasama na niya si Gray sapagkat matalik niyang kaibigan ang fiancé ng beauty queen na si Sam Milby. “Nakakasama ko naman siya kapag nagko-coffee kami ni Sam, so napakabait, hindi mo iisipin na Miss Universe siya. Thank you kay Cat,” paglalahad ni Cruz.
Isang aminadong coffee lover, sinabi ni Cruz na lagi siyang umo-order nito at nagpapa-deliver. “Minsan sumusundot ako ng milk tea kapag kailangan ko ng sweets, mas more on pampa-hyper talaga,” ibinahagi niya.
“Ngunit kung pagkaing pinagsasaluhan naman sa kapwa, kabilang ang nobyang si Julie Anne San Jose, sinabi ni Cruz na pasta ang pinade-deliver niya. “I love pasta! Red sauce ang gusto ko,” aniya.
Para sa torneo sa basketball, nakasama ni Cruz ang mang-aawit at “Hashtags” member na si Wilbert Ross at isang delivery rider, at nagtapos sa ikaapat na puwesto. Nakuha ang kampeonato ng “Delivery Dunkers” na binuo ng TikTok sensation na si Eric Tai at De La Salle-College of Saint Benilde varsity player na si Prince Carlos kasama ang isa pang delivery rider.
Sinabi niyang matagal na siyang hindi nakapaglalaro, ngunit nakatulong na lagi siyang nagsasayaw. “Nandiyan pa rin iyong balance and footwork kasi palagi akong nagsasayaw. Gano’n din naman siya, may help sa pagda-dance.
“Hindi ako magsasawang mag-partake sa mga ganitong event, kasi mahal ko rin ang basketball. Noon kung tanungin mo ako gusto ko ring maging player, kaso mas magaling daw ako na dancer,” natatawa niyang sambit.
Maliban sa “All Out Sundays” tuwing Linggo sa GMA, sinabi ni Cruz na malapit nang magsimula ang trabaho niya sa isang seryeng hindi pa lumalabas ang pamagat, sa naturang network din. Bumibida naman siya ngayon kasama ang nobyang si San Jose sa romance-drama film na “The Cheating Game” na mapapanood na sa mga sinehan.