Mga anak ni Ogie Diaz may prize kapag 25 anyos na at wala pang asawa, umaaray din sa tuition fee: ‘Parang naghahamon ng suntukan!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ogie Diaz kasama ang buong pamilya
SIGURADONG maraming naging realizations ang mga magulang na nakabasa sa isang Facebook post ng talent manager at content creator na si Ogie Diaz.
In fairness, ang daming life lessons ang pwedeng magetsing sa litanya ni Papa O, lalo na sa mga may mga anak na puro babae tulad niya — at lima pa.
Tungkol sa pagkakaroon ng tamang disposisyon sa buhay ang FB post ni Papa O, pati na sa isyu ng pagdidisiplina at pakikitungo ng mga parents sa kanilang mga anak.
Narito ang ilang bahagi ng mahabang FB post ni Ogie Diaz na sa simula pa lang ay tawa na kami nang tawa!
“I HAVE 5 DAUGTHERS AND THEY ARE ALL GIRLS!
“Wag n’yo na akong ikorek. Alam kong mali ang spelling ng daughters. O, yung iba, ha? Biglang binasa uli ang title, ha? Hahaha! Ganyan ang mga Marites. Mas interesado sa content kesa sa title.
“Anyway, how time flies, no? Naglalakihan na’ng mga anak ko. (Kunsabagay, ma-shock ako kung bumabalik sila unti-unti sa pagka-sanggol, hahaha!)
“Lagi kong sinasabi sa mga anak ko, mag-aral mabuti. Hanggang sa makatapos. Hindi para sa amin ng mama nila, kundi para sa future nila. Para hindi sila naasa lang sa magulang.
“Lalo na’t ang taas pa naman ng tuition fee! Galit na galit ang mga school nila sa increase ng babayaran. Parang naghahamon ng suntukan. Eh hindi ko naman pwedeng urungan, kailangang harapin. At bayaran.
“Umaaray din ako sa tuition fee, ‘kala n’yo ba? What more sa ibang parents na di lang basta umaaray, kundi manhid na at pikit mata na lang na sinasagupa ang giyera ng future ng mga anak nila? Sobrang saludo ako sa mga parents talaga,” ang simulang pagbabahagi ng vlogger.
Kaya ang pakiusap niya sa mga anak, pahalagahan at huwag sayangin ang paghihirap at pagsasakripisyo ng mga magulang at gawin ang lahat para magtagumpay sa buhay, “Dahil ‘yun lang naman ang pangarap ng mga magulang.”
Pagpapatuloy pa ni Papa Oh, “‘Yung pagtanaw ng utang na loob? ‘Yung ‘ako naman ngayon, nay, tay’? Depende na yan sa bata in the future. Lalong depende ‘yan kung paano mong pinalaki at hinubog ang (mga) anak mo para balikan ka nila at tumanaw.
“Basta ako, nakahinang na sa puso at utak ko ang katotohanang walang obligasyon sa akin ang mga anak ko pagdating ng araw. Ayokong dumating ang panahong pag nagsipag-asawa na sila ay pipisan ako makikitira ako sa bahay nila?
“Yung pag nagkaroon ng misunderstanding kami ng mga asawa nila eh kailangan nilang mamili o kumampi kung sino sa amin ng asawa nila? Never!” aniya pa.
Sey pa ni Papa O, hindi rin siya ‘yung tipong aasa sa mga anak, “Ngayon pa lang, nag-iipon ako para pagtanda namin ng mama nila, me madudukot kami nang di naasa sa mga anak. At sila, buhayin sila ng mga asawa nila o magtulungan silang mag-asawa para sa pamilyang bubuuin nila.
“That’s why I told my daughters, ‘Pag 25yo na kayo at wala pa kayong asawa, meron kayong prize sa akin.’ True yan. Nagtaka kayo? Wa echos. Usapan talaga namin ‘yan ng mga anak ko, lalo na ni 21 at 19yo.
“Kasi, gusto ko, i-enjoy muna nila ‘yung kabataan nila, at least, hanggang 25yo sila. Pangit ‘yung maaga kang nag-asawa, tapos, iiwan mo sa amin ang anak mo, dahil gigimik ka? Juice ko, talak ang aabutin mo sa akin, anak.
“Gusto ko, makatapos ka. May disente kang trabaho o maliit na negosyo man lang. Para aware ‘yung lalake na hindi ka niya puwedeng pagmalakihan, dahil meron kang stable job o negosyo.
“Pag iniwan kayo ng lalake o mambabae siya (o manlalake?); o pag iniwan n’yo yung lalake, dahil nabagot na kayo sa kanya, aba, bumalik kayo sa akin, walang tanong-tanong, tatanggapin namin kayo ng mama n’yo,” sabi pa ng talent manager.
Patuloy pa niya, “Iba na ang mga bata ngayon. Di mo na sila puwedeng kwentuhan ng ‘Alam mo, nak, nu’ng araw, ang daddy mo…’ nang wala sa timing. Kaya kailangan, marunong kang lumangoy at sumabay sa agos ng direksyon na gusto nila. As long as alam mong tama ang kanilang direksyon.
“Andiyan ka lang bilang parents: nakamasid, nag-oobserba. Ikaw ang unang tuwang-tuwa sa magagandang nangyayari sa buhay nila.
“Ikaw din ang magbabangon sa kanila pag nadadapa sila. Ikaw ang magpapahid ng luha nila pag umiyak sila. Ikaw ang yayakap sa kanila kapag kailangan nila ng comfort. Ikaw ang pader nila pag pagod na sila at gusto muna nilang sumandal.
“At babalik sila sa unang lalaking nagpakita at nagparamdam ng unconditional love sa kanila mula nang ipanganak sila — ang kanilang ama.
“Higit sa lahat, sa nanay nilang hindi sila kayang tiisin,” ang mariin pang pahayag ni Ogie Diaz.