LALONG lumakas ang Bagyong Egay at ito ay nag-upgrade na bilang isang ganap na Typhoon.
“Makikita ho natin na nag-undergo ho ng tinatawag na rapid intensification, biglang lumakas ang bagyong si Egay,” paliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa isang press briefing ngayong July 24.
Huling namataan ang bagyo sa layong 565 kilometers silangan ng Baler, Aurora.
Taglay nito ang lakas na hanging 140 kilometers per hour at bugsong aabot sa 170 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers per hour papunta sa kanluran.
Ayon sa PAGASA, nakikita nila na posibleng tumama sa kalupaan ang bagyo simula bukas.
Baka Bet Mo: #WalangPasok: Mga trabaho, klase sa Metro Manila suspendido sa July 24
“Base sa ating pagtataya, posible pa rin ho ‘yung senaryo na magla-landfall ang bagyo o at least lalapit ito sa kalupaan ho ng Babuyan Islands at sa Batanes area between bukas ng gabi hanggang Miyerkules ng tanghali,” sey ni Weather Specialist Obet Badrina.
Babala pa ni Badrina, “Posible rin na ‘yung track nitong bagyo ay pumunta pa or mag-southward pa o mas lumapit pa sa kalupaan.”
“Kaya po ‘yung area nitong Cagayan Valley, partikular na ang probinsya ng Cagayan, gayundin sa Apayao at sa Ilocos Norte kailangan po talagang mag-ingat at maghanda ‘yung mga kababayan natin diyan dahil bukas ng gabi hanggang afternoon ng Miyerkules pinaka mararanasan ‘yung impact nitong Bagyong Egay,” paliwanag niya.
Sinabi rin ng weather specialist na may tsansang maging isang “Super Typhoon” ang bagyo sa mga susunod na araw.
Dahil diyan, itinaas na sa Tropical Wind Signal No. 2 ang southeastern portion ng Isabela at northeastern portion ng Catanduanes.
Nasa Signal No. 1 naman ang Batanes, Cagayan including Babuyan Islands, the rest of Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, northern portion ng Pangasinan, Aurora, northern at eastern portions ng Nueva Ecija, northern at southeastern portions ng Quezon including Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, the rest of Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Kabilang din diyan ang Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Biliran sa Visayas.
Ani ng ahensya, “Inaasahan din ho natin na posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Egay araw naman ng Huwebes (July 27) base po sa ating latest track.”
Dahil sa Bagyong Egay, asahan ang mga pag-ulan sa Bicol Region, mainland Cagayan, Isabela, at Northern Samar.
May kalat-kalat na pag-ulan naman sa nalalabing bahagi ng Eastern Visayas at Cagayan Valley, pati na rin sa Quezon, at Aurora.
Parehong sitwasyon din ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Visayas, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Surigao del Norte, at Dinagat Islands na dulot ng “trough” o extension ng bagyo.
Habang magdudulot naman ng isolated rainshowers ang Hanging Habagat o Southwest Monsoon sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng bansa.
Read more:
Bagyong Egay posibleng maging ‘Super Typhoon’ sa mga susunod na araw –PAGASA