Gloc-9 muntik nang maging OFW, inalala ang hirap bago maging sikat na rapper

Gloc-9 muntik nang maging OFW, inalala ang hirap bago maging sikat na rapper

PHOTO: Instagram/@glockdash9

BAGO maging isang sikat na rapper, naisipan din pala ni Gloc-9 na mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.

Ito ang ikinuwento at inalala niya sa kanyang latest social media post.

Sa Instagram, ibinandera ng rapper ang kanyang lumang Bureau of Internal Revenue (BIR) ID at inamin na nag-apply siya noon sa Brunei bilang service crew sa isang restaurant chain.

Sabi niya, nawalan kasi siya ng pag-asa noon pagdating sa kanyang pagra-rap.

“Dati akala ko wala nang mangyayari sa pagra-rap ko,” wika niya sa IG post.

Sey pa niya, “Inisip ko nalang na mag-abroad kaya nag-apply akong service crew sa pizza hut sa Brunei.”

Kasunod niyan ay chinika na nga niya ang mga pagsubok na pinagdaanan niya upang makumpleto ang requirements na kailangan sa pag-apply sa abroad.

“Kailangan daw ng TIN number kaya kumuha ako sa Ermita noon pagkatapos kong magpa-medical,” kwento niya.

Baka Bet Mo: Gloc-9 mas piniling maging rapper kesa ipagpatuloy ang buhay bilang nurse

Patuloy niya, “Nakapasa ako sa final interview tapos sabi sakin ang sasahurin ko doon kapag ginawa mong peso ay nasa P23,000 libre tirahan at pagkain.”

“Tuwag-tuwa ako kaya dali-dali kong inayos ang passport ko. Sabi ko sa sarili ko baka nandito ang swerte ko,” sambit ng rapper.

Kahit marami nang naasikaso si Gloc-9 sa kanyang requirements, tila parang may pumipigil sa kanyang pag-alis.

Sabi naman ng rapper, ito siguro ‘yung sign na huwag itong ituloy at ipagpatuloy nalang ang kanyang passion sa pagra-rap.

“Pag punta ko sa census sabi nila sakin wala akong record doon at kailangan kong hanapin ang original birth certificate ko kung saang ospital ako pinanganak,” chika niya.

Dagdag pa niya, “Doon ako napaisip nang mabuti na baka hindi ako dapat mag-abroad. Baka sign ‘yun na ituloy ko ang pagra-rap ko.”

“Kaya ‘yun eto pa rin ako nagra-rap at nag-iisip parin ng mabuti kung bakit ang kapal kapal ng buhok at patilya ko sa ID kong yan! [laughing face, peace sign emojis],” ani pa niya.

Sa ngayon, abala si Gloc-9 sa kanyang pagtatanghal sa United States para sa OPM Summer Fest 2023.

Kasama niya roon ang iba pang Pinoy Bands tulad ng Rivermaya.

Related Chika:

Read more...