Herlene Budol ‘laglag’ nga ba sa 2023 Miss Tourism World pageant…anyare?
By: Armin Adina
- 2 years ago
Herlene Budol
NANG hirangin ang komedyanteng si Herlene Budol bilang Miss Philippines Tourism sa Miss Grand Philippines 2023 pageant, marami ang nag-akalang siya na ang kakatawan sa Pilipinas sa 2023 Miss Tourism World. Ngunit lumalabas na hindi pala ito totoo.
Makaraang koronahan ang mga reyna ng Miss Grand Philippines pageant sa pagtatapos ng patimpalak na itinanghal sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Hulyo 13, ipinakita ng Hiyas ng Pilipinas pageant sa Facebook page nito ang franchise certificates nila, kabilang ang para sa London-based na Miss Tourism World pageant.
Binanggit ni Hiyas ng Pilipinas Chairman Mike Sordilla sa isang naunang press conference na nagpapatuloy pa rin ang kasunduan ng pambansang patimpalak kay John Singh para sa Miss Tourism World pageant. Samantala, dalawang pandaigdigang patimpalak pa ang naidagdag, ang Miss Omninational at Miss Summit International.
“I’m not really sure about the plans of the other parties, but as far as legalities are concerned, we hold the franchise for the Miss Tourism World. The owner, [Singh], he’s based in the [United Kingdom], he’s coming here for our coronation on Nov. 11,” sinabi ni Sordilla sa Inquirer sa isang panayam sa Luzon screening ng Hiyas ng Pilipinas pageant sa Luxent Hotel sa Quezon City noong Hulyo 16.
Maraming nag-isip na si Budol ang magbabandera sa Pilipinas sa 2023 Miss Tourism World pageant sapagkat tinanggap niya ang titulo niya mula kay 2022 Miss World Philippines-Tourism Justine Felizarta, na naging first runner-up sa huling edisyon ng Miss Tourism World pageant ni Singh.
“But Miss Grand [Philippines] didn’t mention that it’s Miss Tourism World [where Budol will compete], people are just the ones mentioning it. I’m not really sure where the confusion is. Insofar as the legalities are concerned, at Hiyas ng Pilipinas we have the grants, and we have the franchise licenses,” iginiit ni Sordilla.
Bago niya nakuha ang Hiyas ng Pilipinas pageant nayong taon, hawak na ng pambansang patimpalak ang lisensya para sa Miss Tourism World, at nagkorona na ng kinatawan sa unang edisyon nito noong isang taon. Ngunit lumipad sa Australia ang reyna, si Dean Dianne Balogal, upang mag-aral. Nagbukas ito ng pintuan para sa ibang organisasyon upang magpadala ng kandidata at sinunggaban ito ng Miss World Philippines organization na itinalaga ang runner-up nilang si Felizarta.
“We are the legitimate [franchise] holder. The international [pageant] will hopefully be in November. [Singh] said the venue is to be announced. Our winner for this year will definitely represent the Philippines in Miss Tourism World this year,” hinayag ni Sordilla.
Makaraan ang Luzon screening, sunod namang sasalain ng Hiyas ng Pilipinas pageant ang mga aplikante mula Visayas sa Cebu sa Hulyo 23. Gagawin naman sa General Santos City ang huling screening, sa Hulyo 30. Malalaman kung sino-sino ang nakapasa sa unang linggo ng Agosto.
Itatanghal ang 2023 Hiyas ng Pilipinas coronation night sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino sa Nob. 11. National director ng patimpalak si dating Binibining Pilipinas at Mutya ng Pilipinas titleholder Eva Patalinjug.