Bagong LPA posibleng mabuo sa Mindanao, Hanging Habagat magpapaulan sa bansa –PAGASA

Bagong LPA posibleng mabuo sa Mindanao, Hanging Habagat magpapaulan sa bansa –PAGASA

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

MATAPOS lumabas ng ating bansa ang Bagyong Dodong, panibagong sama ng panahon ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa weather bureau, sa kasalukuyan ay kumpol-kumpol pa lamang ito na mga kaulapaan pero sa mga darating na araw ay posible itong maging Low Pressure Area (LPA).

“Nakikita natin dito sa ating satellite images na may mino-monitor tayong cloud clusters o kumpol ng kaulapan sa silangang bahagi ng Mindanao area outside the Philippine area of Responsibility,” sey ni Weather Specialist Daniel James Villamil sa press briefing ngayong July 17.

Dagdag pa niya, “Hindi natin tinatanggal ang posibilidad na ang mga kumpol na kalupaan na ito ay mamuo bilang isang Low Pressure Area sa mga susunod na araw.”

Baka Bet Mo: PAGASA: Asahan ang 3 hanggang 4 na bagyo ngayong Hulyo

Nabanggit din ni Villamil na hanggang ngayon ay binabantayan pa rin nila ang Bagyong Dodong na nasa labas na ng ating bansa.

Tiniyak niya na hindi na nagpapaulan ang naturang bagyo sa ating bansa, pero ang may epekto pa rin na nagdudulot ng mga pag-ulan ay ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat.

Sambit ng weather specialist, “Patuloy nating mino-monitor itong bagyo na lumabas na ng ating Philippine Area of Responsibility. Itong si Tropical Storm Talim na dating si Dodong noong nasa loob ng ating PAR, ay papalayo na sa ating bansa.”

“Wala na itong direktang epekto sa anumang bahagi ng ating kapuluan, ngunit itong Southwest Monsoon o Hanging Habagat ay nagdudulot pa rin ng pag-ulan sa malaking bahagi ng ating bansa,” paliwanag niya.

Aniya pa, “Umiiral ito sa buong Pilipinas at nagdadala ito ng mga pag-ulan sa buong Luzon, kasama na riyan ang Metro Manila at sa Western Visayas.”

Dahil sa Habagat, asahan ang paminsanang pag-ulan sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

May kalat-kalat na pag-ulan naman sa Metro Manila, CALABARZON, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, the rest of MIMAROPA, the rest of Central Luzon, at Western Visayas.

Habang ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng maulap na kalangitan at panaka-nakang pag-ulan.

Related Chika:

KZ, TJ alay sa isa’t isa ang mga kantang “Dodong” at “Inday”

Read more...