Chito Miranda mas bumilib pa kay SB19 Stell nang makasama sa The Voice Generations: ‘Napaka-humble at hindi nagmamarunong’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Billy Crawford, SB19 Stell at Chito Miranda
TODO-PURI ang OPM icon na si Chito Miranda sa isang miyembro ng award-winning P-pop group na SB19. Yan ay walang iba kundi si Stell.
Kasama ng Parokya ni Edgar frontman si Stell bilang coach sa upcoming reality singing search ng GMA 7 na “The Voice Generations.” Ang dalawa pang hurado ay sina Billy Crawford at Julie Anne San Jose.
Sa panayam kay Chito ng programang “Fast Talk with Boy Abunda” kahapon, napag-usapan ang tungkol sa naging experience niya sa programa at isa nga sa naikuwento niya ay ang tungkol kay Stell Ajero.
Sey ng husband ni Neri Miranda, totoong fan siya ng SB19 pero mas bumilib pa raw siya kay Stell nang makasama niya ito bilang coach sa “The Voice Generations.”
“I’m familiar with SB19 and fan ako ng works nila. Tapos, nu’ng na-meet ko si Stell, I know him as the guy from SB19 and never naman kaming nag-talk.
“But as we get to hangout sa aming pictorials and everything, everything that he does is so entertaining and everything that he says is so humble and may wisdom na pambata. Alam mo ‘yung hindi nagmamarunong?” paglalarawan ni Chito kay Stell.
Sey pa ng singer-songwriter, saksi siya sa pagiging humble ni Stell at hanga rin siya sa binata kung paano nito pahalagahan ang mga kasamahan niya sa SB19.
“Kung paano niya gustong i-push ‘yung sarili niya, makikita mo how hardworking they are, and kung paano niya purihin ‘yung mga kasama niya sa group, and I’m a sucker for that kasi that’s how I talk pagdating sa bandmates ko.
“Alam kong lahat sila may saltik, pero I always see the good in them e. Siya rin ganun e, lagi siyang may puri, when it comes sa grupo niya,” sey pa ni Chito.
May isang bagay din daw siyang natutunan kay Stell tungkol sa pagiging miyembro ng isang grupo, “May sinabi siya na very important sa akin na, ‘Kung sino yung weak, the other guys need to be strong.’
“Sobrang ganda nu’n, di ba? Kung sa bandmates may limitation siya, I’ll be strong for you on that part, kumbaga, sapuhan, instead na everybody tries to chip in a team, instead of trying to stand out.
“It took Parokya years to do that and they’ve been together for five years only pero ganun na siya magsalita. Wala lang, bilib lang ako sa kaniya. Ang galing, e,” pagbabahagi pa ni Chito kay Tito Boy.
Dagdag pa ng bokalista ng Parokya ni Edgar, mas tumaas pa ang respeto at paghanga niya sa SB19 nang malaman niyang sila rin ang nagsusulat at nag-iisip ng creative execution para sa kanilang mga kanta.
Malapit nang mapanood ang “The Voice Generations” hosted by Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.