Vice Ganda kinontra ang contestant sa ‘Showtime’: ‘Wag mong sasabihing OK at masarap maging mahirap kasi hindi totoo ‘yan’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vice Ganda at Ion Perez
HATI ang reaksyon ng netizens sa mga naging pahayag ng TV host-comedian na si Vice Ganda tungkol sa isyu ng kahirapan ng mga Filipino.
May mga sumang-ayon kay Vice sa sinabi niyang hindi totoo ang sinasabi ng ilang mga Pinoy na okay at masarap maging mahirap, pero meron din namang mga kumontra.
Viral at naging usap-usapan sa social media ang naging advice ni Vice sa isang contestant sa “Rampanalo” segment ng programa nilang “It’s Showtime” kamakalawa, July 3.
Hindi kasi nagustuhan ni Vice ang sinabi nitong “masarap naman po mabuhay bilang mahirap” kaya naman kinorek niya ito at ipinaliwanag kung bakit maling-mali ang ganoong mindset.
“Iko-correct lang natin ‘yan ha. Kasi hindi tama ‘yung sinasabi nating okay naman maging mahirap.
‘Alam mo ang okay lang na nararamdaman ng maraming mahirap, okay kasi mahirap sila pero nagmamahalan silang pamilya, okay ‘yon.
“Mahirap sila pero mabuting tao sila, okay ‘yon. Mahirap sila, pero mahal sila ng nanay at tatay nila, okay ‘yon. Mahirap sila at nakakapag-aral sila, okay ‘yon. Pero kung may pagkakataong maging mayaman, ayaw mo ba ‘yon?” tanong ni Vice sa kausap.
“Gusto po,” sagot naman ng contestant. Hirit uli ni Vice, “Yon! Kaya ‘wag mong sasabihing okay, masarap maging mahirap kasi hindi totoo ‘yan. Mali ‘yon, mali. Maling mentality, ha.”
Dagdag pang punto ng komedyante, “Mali ang mentality na mahalin natin ang pagiging mahirap dahil hindi. Maraming pagkakataon sa buhay natin na hirap na hirap tayo dahil sa kundisyon ng ating pamumuhay.
“Kaya gagawa ka ng paraan para makatakas doon sa kahirapan na ‘yon, sa poverty. Para kapag nakaanak ka, mapag-aaral mo ‘yung anak mo. Magkaroon siya ng magandang kinabukasan.
“‘Yung asawa mo maging komportable ang buhay. Hindi kayo matatakot kung paano kayo magbabayad ng utang,” chika pa ni Vice.
Hirit pa niya, “Mindset, mindset, mindset! Mahirap ako ngayon, mabuting tao ako, pero tatakas ako sa kahirapan. Magiging mayaman ako at mabuting tao pa din.
“We change the mindset, diba? ‘Wag nating niro-romanticize ang poverty,” mariin pang sey ng Unkabogable Star.