GEN. Santos City — Maayong adlaw kaninyong tanan. Hinaot nga anaa kamo sa maayong panglawas. Magandang araw din sa mga kababayan natin sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas lalo na sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Cebu at Bohol.
Dito sa GenSan, patuloy pa rin ang aking training para sa nalalapit kong laban kontra sa Mexican-American na si Brandon Rios na gaganapin sa Macau, China sa Nobyembre 17.
Narito na si Freddie Roach at ipinagpatuloy niya ang training na sinimulan nina Nonoy Neri at Buboy Fernandez. Si Nonoy Neri ang nagsisilbi kong strength and conditioning coach at tiwala ako sa kanyang kakayahan.
Si Buboy Fernandez naman ay laging nandiyan para tumulong sa aking ensayo. Sumabak na rin tayo sa sparring.
Nasa GenSan ngayon ang mga sparring partner ko na sina Liam Vaughan ng England, Fredrick Lawson ng Ghana at ang kababayan nating si Dan Nazareno Jr.
Mahalaga na mayroong pagkakaisa sa training camp dahil hindi biro ang paghahanda laban kay Rios. Pero naniniwala akong makakabalik ako sa rurok ng tagumpay matapos na tayo ay matalo ng dalawang beses noong isang taon.
Naniniwala akong tayo ay mananalo sa tulong na rin ng Poong Maykapal. Nais ko nga rin palang pasalamatan ang mga tumutulong sa atin mula sa Los Angeles, California.
Mabuhay po kayong lahat. At sa inyo pong walang sawang sumusuporta sa akin, maraming-maraming salamat po. Sa inyo ako kumukuha ng inspirasyon para pagsikapan ang muli kong pagbangon.
Huwag po kayong mag-alala dahil nangangako po akong ibibigay ko ang lahat ng aking husay at kakayahan sa labang ito.
Sana ay ipagpatuloy ninyo ang pagpapanalangin para sa ating tagumpay.
Ang tagumpay ko ay tagumpay din ninyo. Hanggang sa Muling Kumbinasyon. May Almighty God Bless Us All.
Editor: Kung may nais kayong iparating kay Manny Pacquiao, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0999-9858606 o 0927-7613906.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.