Herlene Budol gusto nang umatras sa 2023 Miss Grand PH pageant matapos mapahiya sa Q&A: ‘Tinawag na nila akong ‘bobo,’ ‘tanga’…OK lang po’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Herlene Budol
NANG dahil sa matinding pamba-bash at panlalait sa kanya ng mga haters sa social media, parang gusto na raw umatras ni Herlene Budol sa 2023 Miss Grand Philippines pageant.
Talaga raw naapektuhan ang Kapuso TV host-actress ng masasakit na salitang ibinato sa kanya nang manega dahil sa istilo ng pagsagot niya sa preliminary interview ng naturang national pageant.
Naglabas ng kanyang saloobin ang dalaga tungkol sa kontrobersyang ito sa panayam sa kanya kahapon ng “Fast Talk with Boy Abunda” ng GMA 7. Aniya, medyo nagduda rin siya kung deserve pa niyang sumali sa nasabing pageant.
“Umabot sa punto na hindi ako nakakatulog, hindi ako nakakapag-cellphone, dinelete ko lahat ng apps ko sa cellphone ko at hindi na ako kumakain din ng two days. First time po kasi na ganu’n kadami,” ang pahayag ni Herlene.
Aniya, nakaya raw niyang ipagtanggol ang sarili sa mga kinasangkutang isyu noon kabilang na ang tsismis na nabuntis daw siya ng TV host na si Willie Revillame, dahil hindi naman daw ito totoo.
“Pero dito kasi, hindi ko maipagtanggol ‘yung sarili ko kasi alam kong mali lahat ng sagot ko nga raw po.
“Nababasa ko lahat ng comments, sabi ko nga sa kanila, ‘Ang galing niyong mam-bash. Naapektuhan ako.’ ‘Yung mental health ko, zero talaga,’” saad ni Herlene.
Pagpapatuloy pa niya, “Naisip ko rin ho, kung mag-back out ho ako rito, parang sinabi ko ho sa kanila na ‘yung inspirasyon na sinasabi ko, mawawala, magiging back to zero ‘yung inspirasyon nila,” lahad pa ng Kapuso star.
Ngunit aniya, nagkapagdesisyon na siya at kahit ano pang mangyari ay itutuloy pa rin niya ang laban.
“Kung lumaban po ako ngayon, win or lose Tito Boy, kahit lumaban ako ngayon, matalo o manalo ako, at least ‘yung tinatawag nilang inspirasyon, lumalaban lang hanggang dulo,” paninindigan ni Herlene.
Mariin pa niyang sabi, “Para sa akin naman po seryoso naman po ako roon sa ginagawa kong ito. Pero hindi ko ho talaga maintindihan ‘yung tanong. Hindi ko ho alam kung bakit kahit sanay naman akong tanungin nang tanungin ng maraming tao.
“Siguro ho noong time na ‘yun wala akong tulog, wala akong kain. Pero hindi ‘yun reason para hindi ako makasagot. Siguro nga ho dahil tinawag na nila akong ‘bobo,’ ‘tanga,’ okay lang po,” dugtong pa ng lead star ng Kapuso afternoon series na “Magandang Dilag.”
Sa tanong ni Tito Boy kung anong realization niya mula sa mga nangyari, “Ang natutunan ko po rito sa pagkakamali na ito, is ‘yung more talk, more mistakes. More learning.’ Gusto ko pong matuto ako sa lahat ng pagkakamaling nagagawa ko sa buhay.
“At nanghihingi po ako ng sorry kasi ‘yung inspirasyon na sinabi ko po ngayon, nanghina, which is ako po ‘yun. Pero hindi naman matatapos sa isang pagkakamali, eh. Puwede pa namang itama ‘yun,” pahayag pa niya.
Umani ng mga negatibong komento ang nag-viral na video ni Herlene habang sinasagot ang tanong sa kanya na “Apart from your big social media following, what else have you got in order to win the crown?”
Sagot ng dalaga, “Thank you for that long question for me, chariz. I have a big followers because I have a big heart. O English yon, ha? Nakapag-compose po ako kaagad. Ano nga ulit yung tanong?”
Inulin naman ng nagtanong ang question at isinalin pa sa Tagalog. Sagot ni Herlene, “I think this is the right time. Last year, siguro hindi ko po oras. Ang sabi nga ng adbokasiya ng Miss Grand is—ano ba ‘yun? World peace and then… what else again? Stop the war and peace.
“Since I was young, ahhhh, ang sarap mag-English. Naranasan ko pong ma-bully sa eskuwelahan, mabugbog sa tahanan, dumayo ako sa ibang bansa, natutukan ng tatlong baril na talagang armalite, at naging isang dayuhan. Para sa akin, ang solid ng experience na yon. In my own experience, ayokong maranasan ng iba yon.
“Bilang isang Miss Grand, sisimulan ko sa aking experience na ipalaganap sa ibang tao na huwag matakot. Kahit anong pinagdaanan ng mga taong laging nakangiti, may katuturan yon at ikaw ‘yung magiging lakas ng ibang tao para maging lakas,” ang kabuuang sagot ni Herlene sa tanong.