Kaladkaren awang-awa sa kanyang fiancé pag-uwi niya ng bahay; walang balak agawin ang trono ni Vice Ganda
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Kaladkaren at Luke Wrightson
KASABAY ng pag-ariba at pagbongga ng na kanyang showbiz career, apektado naman ang personal life ng TV host-actress na si Kaladkaren.
Yan ang inamin ng kauna-unahang transwoman Best Supporting Actress sa 1st Summer Metro Manila Film Festival para sa “Here Comes The Groom”, sa pagharap niya sa members ng entertainment media kamakalawa, June 26.
Ito’y para sa pagpirma niya ng kontrata sa Star Magic kung saan ibinandera nga ang mga next projects niya sa mga susunod na buwan na posibleng tumagal pa hanggang 2024.
Sa naganap na contract signing ay talagang napaluha si Kaladkaren o Jervi Li sa tunay na buhay, hindi lang dahil sa pagiging certified Star Magic artist kundi dahil sa video greeting ng fiancé niyang si Luke Wrightson.
“Naiyak ako kasi, hindi na kami nagkikita. Nasa bahay siya, pag-uwi ko, tulog. Pag-alis ko, tulog pa rin siya. So, kanina, nag-text sa akin, nag-sad face na,” naluluhang kuwento ni Kaladkaren.
Naaawa rin daw siya kay Luke dahil madalas ay hinihintay pa raw nito ang pagbalik niya sa bahay mula sa pagre-report niya sa news program ng TV5 na “Frontline Pilipinas”. “Kaya gutom na gutom na siya pag-uwi ko. Kakaawa ang lolo n’yo.”
Aniya, napi-feel na niya ngayon ang hirap kapag pinagsasabay ang lovelife at career, “Parang ngayon nararamdaman ko (sabay tawa). Nu’ng una, parang sakto-saktohan lang, eh.
“Ngayon, parang ‘ha? Teka lang, anon’g gagawin ko?’ Ang hirap din pala talaga. Pero I’m happy and blessed na at least, ‘di ba marami tayong ginagawa at marami tayong nai-inspire dito sa mga ginagawa natin sa showbiz,” sabi pa ng TV host.
Buti na lang daw at napaka-understanding ng kanyang partner at hindi siya dinidiktahan o pinatitigil sa pagtatrabaho nang bonggang-bongga.
Samantala, natanong din si Kaladkaren kung ano ang magiging reaksyon niya sakaling ikumpara siya kay Vice Ganda, dahil sa kasikatang tinatamasa niya ngayon.
“Parang kapag sinabi mong Vice Ganda, Unkabogable Box-Office, Phenomenal Superstar, parang incomparable si Vice Ganda, eh. Hindi mo siya pwedeng ikumpara kahit kanino,” pahayag ng impersonator ni Karen Davila.
“Ako naman, transgender woman ako, iba ‘yung branding ko siyempre kay Meme. I also do the news na hindi naman niya ginagawa.
“Sa hosting, iba rin ‘yung style niya sa hosting kasi mas nakakapagpatawa siya, so mas iba ang atake niya kaysa sa akin,” chika pa niya.
Wala rin daw siyang kaplanu-planong agawin ang trono ni Vice, “Hindi. At saka, wala akong balak mang-agaw ng trono ng kahit na sino.”