Iba’t ibang OOTD ibinandera ni Catriona Gray sa MET para sa Miss Manila 2023 pageant
By: Armin Adina
- 2 years ago
Catriona Gray
NANG ipakita ang pagsasaayos na ginawa sa Metropolitan Theater noong isang taon, isang video ang inilabas kung saan nakita si 2018 Miss Universe Catriona Gray na suot ang iba’t ibang mga disenyo habang nasa loob at labas ng teatro.
Muli na namang ibinandera ng beauty queen ang kanyang pagiging fashionista sa MET nang maging host sa 2023 Miss Manila pageant noong June 23.
Binuksan niya ang pageant mula sa foyer sa labas ng main theater hall, suot ang pulang mini dress na may white lace appliques, at rumampa patungo sa paanan ng entablado upang salubungin ang 20 kandidata at ang singer na si Angeline Quinto na inawit ang theme song ng patimpalak.
Sa mga sumunod na yugto ng kumpetisyon, nagpalit na si Gray sa isang makulay at makinang na modern Maria Clara na may binurdang panuelong may makintab na patch sa kaliwang bahagi, at maningning na mga palawit sa ibabang bahagi. Para sa question-and-answer portion, isang malaking asymmetrical na gown na kulay abokado ang sinuot niya.
Para sa huling yugto ng pageant, muli siyang nagpalit. Isang mahabang hot pink gown na walang burda, kinang, o borloloy ang inirampa niya. Ngunit may architectural na neckline naman ito at mga nakausling piraso ng tela sa magkabilang balakang niya.
Pinasalamatan ni Gray ang glam team niya sa social media para sa pagpapaganda sa kanya sa palatuntunan. “Thanks to my team [Justine Aliman], [Patrick Henry Mergano], [Jelly Eugenio], [Paul Nebres] for my looks [Philippine flag emoji],” aniya. Disenyo nina Aliman, Manny Halasan, at Cherry Veric ang mga gown, dinagdag niya. Mula naman sa Jhaena Jewels ang mga alahas na ginamit niya.
“Such a joy hosting and being part of this year’s [Miss Manila pageant] alongside [Rayver Cruz],” ibinahagi ni Gray, at nagpasalamat din sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Tourism, Culture and Arts of Manila, at production partner na Kreativden Entertainment “for the trust.”
Isinagawa ang 2023 Miss Manila pageant limang taon mula nang huli itong idaos noong 2018, dalawang administrasyon na ang nakararaan. Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na isa sa mga prayoridad niya nang maluklok sa puwesto noong 2022 ang pagbabalik ng kumpetisyon.
Binanggit ni Gray sa simula ng palatuntunan na nagbabalik ang patimpalak upang muling kilalanin ang pamahalaang lungsod bilang organizer ng pinakainaabangang lokal na kumpetisyon, na nagmula pa sa Manila Carnival Queen contest, ang itinuturing na unang lehitimong beauty pageant sa Pilipinas.
Si Pura Villanueva-Kalaw ang naging unang reyna, isang mamamahayag at aktibistang lumaban para sa karapatan ng kababaihan na makaboto.
Nasungkit ang korona ni Gabrielle Lantzer mula sa distrito ng Malate, isang 18-taong-gulang na incoming biochemistry freshman student sa De La Salle University-Manila. Hinirang din siyang best in Swimsuit, Best in Evening Gown, at Miss Villa Medica Manila. Nag-uwi siya ng P1-milyong premyo.
Dinaig niya ang mga beterana na ng mga pambansang patimpalak para sa titulo. Hinirang bilang Miss Manila-Tourism si Angela Okol ng Paco, na sumali na sa 2021 Miss Universe Philippines at 2022 Mutya ng Pilipinas, habang kinoronahang Miss Manila-Charity si Anna Carres De Mesa ng Santa Mesa, na semifinalist sa 2021 Miss World Philippines at 2022 Binibining Pilipinas. Tumanggap naman ng tig-P100,000 ang dalawang beterana.
Nagtapos bilang first runner-up si Karen Nicole Piccio ng Pureza, na kinoronahang Miss Philippines-Ecotourism sa 2019 Miss Philippines Earth pageant. Second runner-up naman si Francine Tajanlangit mula Roxas Boulevard. Tumanggap sila ng tig-P50,000.