Kathryn TV lang ang pangarap dati, ngayon nagpapatayo na ng dream house; ‘nakipag-deal’ kay Dolly de Leon
By: Armin Adina
- 2 years ago
Kathryn Bernardo
MASAYANG binalikan ng aktres na si Kathryn Bernardo ang panahon noong isa pa siyang child star mula sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, noong nangangarap lang siyang makabili ng napakagandang TV balang araw.
Ngayon may tinutupad na siyang mas malaking pangarap para sa pamilya, at nalalapit nang matapos ang sarili nilang bahay.
“Mahilig din kasi akong manood ng movies, mga favorite TV series ko noong bata ako, so siyempre ang go-to mo talaga is to have a really nice TV,” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam noong Hunyo 15 matapos ipakilala bilang TCL celebrity ambassador.
“Wala pang smart TV noon eh, wala pang Netflix noon, so uso lang noon iyong malaki tapos manipis na TV,” dinagdag niya. Tinapik din niya ang sariling balikat nang alalahanin ang sandaling nakabili na siya sa wakas ng inaasam na TV para sa pamilya. “Nakaka-proud, pinaghirapan ko iyon eh!” ibinahagi niya.
Sinabi ng aktres na mahalaga sa kanyang maglaan ng pera para sa mga gamit na tumatagal. Sulit naman umano ang una niyang biniling TV sapagkat buong pamilya ang nakapag-enjoy. “Kahit sa makalipat dito (sa Maynila) andaming upgraded version ng mga TV, panipis nang panipis, and palaki nang palaki,” dagdag ni Bernardo.
At ngayong papalapit na ang paglipat nila sa bagong bahay, na ilang ulit na naunsyami, sinabi ng aktres na tinitiyak niyang magkakaroon ng TV ang sinumang mangangailangan nito.
“Sabi nila, supposedly noong Christmas (2022), tapos nag-move to March, my birthday, pagkatapos hindi umabot. Sabi nila by June, July puwede na. Hopefully walang delay, kasi tag-ulan ngayon,” aniya.
Ibinahagi ni Bernardo kung gaano kahirap para sa pamilya na bantayan ang una nilang pagpapatayo ng bahay. “Happy lang ako na maraming nagga-guide sa amin kung paano gawin ito kasi bago siya sa amin. But then, enjoy siya,” pagpapatuloy niya.
Sinabi niyang nasa finishing na sila ngayon, at nagplaplano na kung ano-anong mga gamit ang ilalagay sa bawat panig ng bahay, “Ine-enjoy namin ang buong process kasi it’s our dream home.”
Nakasalalay ang aktres sa inang si Min na nakatutok sa pagpapatayo mula sa simula. Nagsimula na kasi si Bernardo sa paggawa ng bago niyang pelikulang “A Very Good Girl” kasama si Golden Globe-nominee Dolly De Leon, at mula sa Star Cinema.
“Ten days na kami ng shooting. So far I’m really enjoying it. Sobrang kabado ako, kasi first time kong makatrabaho si Petersen (Vargas, ang direktor), and everybody else. So the environment is pretty different from the usual,” ani Bernardo.
Ibinahagi rin niya ang pagkakilig kay De Leon, “Oh my God, she’s so cool! I love her. So sa scene we have a deal, kapag may gagawin kami together, pagtratrabahuhan namin together to make it work.
“And I’m just happy na gina-guide niya ako every step of the way. She’s very supportive. And I love her. She’s cool. Okay siya talaga,” ani Bernardo.
Nagkatrabaho na silang dalawa sa seryeng “Endless Love” noong 2010.
Huling napanood si Bernardo sa mga sinehan sa dramang “Hello, Love, Goodbye” noong 2019 katambal si Alden Richards, at kung saan siya umani ng nominasyon mula sa Film Academy of the Philippines, FAMAS, Gawad Urian, Asian Academy Creative Awards, at Australian Academy of Cinema and Television Arts.